Abante Tonite
Mabilis sa Balita

Jagger pinalusot 5 pekeng importer

0 354

Naghain ng kasong kriminal at administratibo ang National Bureau of Investigation (NBI) laban sa ilang matataas na opisyal ng Bureau of Customs (BOC) dahil sa pagpapalawig diumano ng mga ito sa import permit ng nasa 5 bogus na kompanya.

Kabilang sa mga inirekomendang imbestigahan sina Customs Commissioner Rey Leonardo ‘Jagger’ Guerrero, Deputy Commissioner for Intelligence Group Raniel Ramiro, at Accounts Management Office officer-in-charge James Joven.

Nadiskubre ng NBI-National Capital Region na pinamumunuan ni agent Fem Martinez, na naglabad ng certificate of accreditation si Guerrero sa mga bogus na kompanya na pinapayagan ang pag-import at pakikipagtransaksyon nito sa BOC, batay sa rekomendasyon nina Ramiro at Joven.

“Based on the evidence gathered there is probable cause to indict Commissioner Guerrero and deputy Commissioner and OIC Joven for graft and corruption for giving any private party unwarranted benefits, advantage or preference,” aniya. “We find in this case evidence that the BOC officials Guerrero, Ramiro and Joven conspired with the private importers for their accreditation.”

Sinabi ni NBI officer in charge Director Eric Distor na ginawa ang imbestigasyon upang mapigilan at matigil ang modus ng ‘consignees for hire’.

Sa affidavit naman ni Guerrero na sinumite sa NBI, pinaliwanag na ang pirma niya na ginamit sa mga accreditation letter ay ‘ministerial’. Gayunman, giniit ng mga imbestigador na sa kanyang Customs Memorandum Order (CMO) sinabi umano ni Guerrero na aaprubahan niya ang authority for application para sa akreditasyon ng mga importer at consignee. Hindi naman tumugon si Ramiro sa NBI subpoena at hindi rin nagsumite ng affidavit.

Ang pagbibigay umano ni Guerrero ng certificate of accreditation sa mga pekeng kompanya ay nagbigay sa kanila ng mga hindi karapat-dapat na benepisyo sa kabila ng kabuguan na makasunod sa minimum standard na tinakda ng batas, ayon sa NBI report.

Nirekomenda rin para sa prosekusyon ang umano’y pekeng kompanya na tinukoy na Blessive Scott International, Crown Majesty Classic Corp., Parasol-8 Corporation Liuzhiga International, Gypson International Trading at Dragonluck Enterprise.

Sinabi pa sa ulat, na kahit pa walang opisina at plant address ang Dragonluck Enterprises nakapag-import ito ng mga kalakal na nagkakahalaga ng US$ 5.7 million o duty value na tinatayang nasa P312 milyon simula Pebrero 20 hanggang Disyembre 12, 2018. (Nancy Carvajal)

Leave A Reply

Your email address will not be published.