Abante Tonite Interactive

Jail Guard patay sa resbak ng preso

By
1,421

Tinambangan ng riding-in-tandem ang isang jail guard ng Bureau of Jail Management and Penology (BJMP) sa Brgy. Makiling, Calamba City, Laguna at sinigurado pa na talagang patay na ito bago tinakasan ng mga suspek ang ginawa nilang krimen kahapon ng umaga.

Kinilala ang nasawi na si SJO4 Max Piamonte Enriquez, BJMP personnel na nakatalaga sa Calamba City Jail na matatagpuan sa Barangay Turbina.

Batay sa imbestigasyon ng Calamba Police, bandang alas-sais ng umaga sakay ng BJMP mobile car ang biktima at nagpapagasolina sa isang gas station.

Habang hinihintay na makargahan ng gasolina ang kanyang sasakyan ay dumating naman ang mga suspek na magka-angkas sa motorsiklo at paulit-ulit na pinagbabaril ang biktima.
Kahit nasorpresa ay nagawa pang makatakbo ng biktima pero hinabol pa rin siya ng mga suspek at pinagbabaril uli hanggang sa tuluyang mabuwal sa sidewalk.

Mabilis na tumakas ang mga suspek matapos ang pamamaril samantalang dead-on-the-spot ang biktima.

Hinihinalang may kina­laman sa trabaho ng biktima kung bakit pinatay ito.

Ayon sa mga kasamahan sa trabaho ng biktima, ito ang chief escort kapag may inili­lipat na mga preso mula Calamba City Jail patungo sa New Bilibid Prison sa Muntinlupa City kaya malimit umano na napapag-initan ito ng mga bilanggo.

Nabatid din na tatlong taon na lamang at magreretiro na sa serbisyo ang biktima.