Abante Tonite Interactive

James tutok muna sa musika

643

Balitang nagpa­alam na sa kanyang Viva family si James Reid.

Kasama raw nito ang amang si Mr. Robert Malcolm Reid nang pumunta ito sa opisina ng Viva para magpa-release.

Hindi namin sure kung saang management company lilipat si James, pero tinanggihan na raw nito ang mga project na ino-offer ng Viva.

‘Yung “Pedro Penduko” ay nauna nang tinanggihan ni James dahil may injury raw ito at hindi kakayaning gawin ang pelikula, na balitang mapupunta na kay Matteo Guidicelli.

Ang dinig namin ay hindi na raw masaya sa Viva si Mr. Reid at mukhang ito na yata ang magma-manage sa anak na si James.

Abala ngayon ang 26-anyos na boyfriend ni Nadine Lustre sa sarili nitong recording company na Careless Music Manila.

Tila music muna ang focus ngayon ni James at pahinga muna ang kanyang acting career. Huli siyang napanood sa TV bilang isa sa judges ng “Idol Philippines” sa ABS-CBN.

In fairness ay Viva ang nagpasikat kay James. Abangan na lang natin kung anong naghihintay sa kanyang career after this.

Seth prince ni Brillantes

Kinilig si Andrea Brillantes sa bansag sa kanya ngayon na Princess of Daytime ng Kapamilya network.

Pinangarap niya raw kasi ‘yon noon, ang magkaroon ng title, lalo na at idol niya si Kathryn Bernardo na kung tawagin noon ay Teen Queen.

So, kung siya ang Princess, sino ang kanyang Prince? Si Seth Fedelin?
Tumawa lang sa tanong namin si Andrea, na bida sa horror flick na “The Ghosting”.

Sobrang saya ng 16-anyos na bagets sa success ng afternoon soap na “Kadenang Ginto”. Hindi niya raw naisip na magiging ganu’n ka-successful ang show nila, so mas gagalingan pa raw niya.

Okey na okey raw sila ng ka-love team niyang si Seth, na open sa pagsasabing may crush ito sa kanya.

Gusto niya raw ‘yung pagiging makulit ni Seth, mabait, walang arte, approachable at kung paano ito sa pamilya nito.

Puwede na ba siyang ligawan ni Seth?

“Ahh, bata pa po. And hindi ko po alam sa kanya. Ha! Ha! Ha!
“And ngayon po, mas nagpo-focus po kami sa ‘Kadenang Ginto’ at siyempre, mas gusto ko na mas matagal ko pa siya makasama.

“Ngayon, mas kinikilala lang po namin nang todo ang isa’t isa. Nag-e-enjoy lang po kami, masaya lang po kami para sa isa’t isa,” nakangiting sey ni Andrea.

Biktima ng isang batang babae sa isang haunted subdivision ang karakter ni Andrea sa “The Ghosting” na co-star niya si Khalil Ramos.

Second horror movie ito ni Andrea after “Banal” na ipinalabas kamakailan. Mahilig daw talaga siya sa horror at sa mga gory at suspense.

Sa August 28 ang showing in cinemas nationwide ng “The Ghosting” mula sa Reality Entertainment.

Claudine nakatagpo ng
‘baby bro’ sa ‘StarStruck’

Natuwa siguro si Claudine Barretto na hindi nasama sa tanggalan last week ang bet niya sa “StarStruck” na si Jeremy Sabido.

Alaga ng close friend ni Claudine na si Bianca Lapus si Jeremy at nang ma-meet ito ni Clau ay natuwa agad ito sa 21-anyos na binata.

Nag-post si Claudine sa IG na suportahan ang kanyang ‘new baby bro’ na si Jeremy and after that ay may isa pa itong post na iboto raw si Jeremy sa pamamagitan ng text.

Fantasy ang tema ng artista test this week with Direk Rico Gutierrez na si Rhian Ramos ang kaeksena ng Top 8.

Seksi-seksihan si “StarStruck” council member Heart Evangelista sa pasabog na K-pop prod nito kagabi kasama ang walong hopefuls. Ngayong gabi ay isa naman sa Final 8 ang magpapaalam.