Abante Tonite Interactive

Janella ayaw na ng ka-love team

378

Kita sa itsura ni Janella Salvador na masaya siya ngayon, at alam naman ng lahat kung sinong nagpapasaya sa kanya—si Markus Paterson.

“Oo naman, napapasaya naman niya ako. Pero I just don’t want to share a lot. Basta, alam n’yo na ‘yon. ‘Pag nakita n’yo kami sa labas, ‘yun na ‘yon,” nakangiting bulalas ni Janella nang matsika namin sa “The Heiress” grand reveal presscon sa 38 Valencia Events Place.

Mas gusto niya ba na personal lang ang relasyon nila ni Markus at hindi sila maging love team?

“Yes. As much as possible, ayoko nang magkaroon ng love team na totoong buhay din, kasi naranasan ko na, eh. And it didn’t do me any good, so…”

Lumalabas sa social media ‘yung personal moments nila ni Markus na na-meet niya ang parents nito at nandu’n siya sa special occasion sa buhay ni Markus tulad ng birthday ng mom nito.

So, may mga ganu’n na siyang moments with Markus’ family?

Tumango lang si Janella, ngumiti at natawa na halatang kinilig sa tanong namin.

In a way, parang parte na siya ng pamilya ni Markus, gano’n?

“Sana, oo!” matamis ang smile na sagot sa amin ng bida ng horror movie ng Regal Films.

Si Markus ba, ganu’n din sa pamilya niya?

“Na-meet na, na-meet na siya ng dad ko, ng mom ko.”

Anong impression ng Mommy Jenine Desiderio niya kay Markus?

“Ask her, ask her na lang. Ha! Ha! Ha!”

Pero okey naman ang mom niya kay Markus?

“Okey naman. Actually, wala akong problema ngayon pagdating do’n.”

Si Daddy Juan Miguel Salvador niya, naka-bonding na rin ba si Markus?

“Oo, naka-bond niya na rin. ‘Yun lang. Ha! Ha! Ha!”

Anong pinaka-reason at napapasaya siya ni Markus?

“Reason? Hindi naman kailangan ng reason, eh. Basta, mapi-feel mo lang ‘yon. Ohh…” masayang sagot ni Janella, na medyo ginalaw-galaw ang kanyang balikat na parang sumasayaw at kita mong kinikilig habang sinasagot ang tanong namin.

21-anyos na si Janella at 21 din ang Fil-British actor-singer-model at footballer na si Markus.

Nerbyos ni Janella tsinugi ni Diamond Star

First time nakatrabaho ni Janella Salvador si Maricel Soriano sa horror movie na “The Heiress”.

Kuwento ni Janella, na-starstruck at nag-freeze siya nu’ng una niyang makita ang Diamond Star. As in hindi raw siya makagalaw.

Nilakasan na lang niya ang loob niya at nag-‘Hi!’ siya kay Ms. Marya at kinausap na raw siya nito. Very friendly and warm daw pala ang batikang aktres.

Nu’ng nasa shooting na sila ay tinanggal daw ni Maricel ang pagiging nervous ni Janella at siniguro nitong komportable siya. Kaya by the time na gawin na nila ang mga eksena nila ay okey na okey na sila.

Horror din si Janella sa primetime serye niyang “The Killer Bride” so parang nalilinya siya sa mga ganito.

“Oo nga eh, puro horror. Pero enjoy naman. Actually, one of the hardest emotions to act out is fear.

“So, may mga times talaga na challenging siya, pero I enjoy it. Kasi, ‘pag napapanood mo, worth it ‘pag maganda ‘yung kinalabasan,” sambit ng dalaga.

Gusto sanang ipasok ng Regal Films ang “The Heiress” sa MMFF 2019 kaya lang ay hindi ito napili. Feeling ni Janella ay perfect ang binigay na playdate sa kanila na November 27 at sana raw ay suportahan ito ng mga manonood.

Si Janella ay gumaganap bilang si Guia, ang probinsyanang pamangkin ni Maricel bilang si Auntie Luna na isang mambabarang. Gusto nitong ipasa ang kapangyarihan nito sa pamangking si Guia.

‘Mambabarang’ ang tawag sa nagpapraktis ng black magic. ‘Mamalarang’ naman ang tawag sa head ng evil spirit na kumokontrol sa mambabarang. Ito raw ‘yung talagang nananakit at nangunguha ng kaluluwa.

Maricel willing mag-ninang sa kasal ni Angel

Nakatrabaho at naka-close ni Maricel Soriano si Angel Locsin sa ginawa nilang teleserye na “The General’s Daughter”.

Payag kayang mag-Ninang si Marya sa kasal ni Angel next year kay Neil Arce?

“Oo naman. Mahal ko si Angel, ‘no!” sagot sa amin ni Diamond Star.

Sey ni Ms. Mary, hindi pa nila napag-usapan ang tungkol doon, pero may letter daw siyang natanggap galing kay Angel at ang sweet daw nito.

“Kahit ano ako, kahit sponsor, guest, I will be there for Angel.

“I want Angel and Neil to be happy. They’re good friends of mine. I see them naman very sweet.

“I just want them to be happy, especially Angel. She deserves to be happy,” pakli ng batikang aktres.

Wala raw siyang in-advice kay Angel. Ang sabi lang niya rito ay, “There’s nothing like being happy all the time. It’s so hard to maintain happiness, ‘di ba? ‘Yung nandiyan lang palagi ang happiness?

“Actually, nandiyan lang naman talaga eh, you just have to… kumbaga sa mga trees, hawiin mo lang, nandiyan lang siya.”

Ang ganda ng aura ni Ms. Maricel sa presscon ng “The Heiress”. Nagdyi-gym daw siya ngayon at pinu-push siya ng kaibigan niyang si Eric Quizon na mag-lose pa siya ng weight. Hindi raw siya nagrereklamo dahil takot daw siya kay Eric.

“T2” (o “Tenement 2”) na dinirek ni Chito Roño nu’ng 2009 ang huling horror movie ni Marya.

Matatakutin daw siya, pero hindi siya nagpapahalata. Ang mga nagawa niyang horror movie noon ay siya ang tinatakot, pero ngayon sa “The Heiress” ay siya ang nananakot o kinatatakutan bilang mambabarang ang kanyang role.

Si Janella Salvador ang ‘heiress’ niya rito, na pine-prepare niya raw para ialay sa sanlibutan.

In a scale of 1 to 10 ay 8 ang rating niya sa akting ni Janella, na “She’s very good” ang comment ng Diamond Star.

Ayaw magmaasim sa pagkalaglag sa MMFF

Hindi raw kukuwestyunin ni Marya kung anong plano ng Diyos sa hindi nila pagkakasali sa MMFF sa December. Baka raw mas malaki pa ang kitain nila at mas mapasaya nila si Mother Lily Monteverde kahit hindi sila nakapasok sa filmfest.

November 27 ang showing in cinemas nationwide ng Regal horror movie na “The Heiress” sa direksyon ni Frasco Mortiz.