Abante Tonite Interactive

Janitor ng SM todas sa karambola

By
11

Patay ang janitor ng SM North EDSA habang nasa 22 ang nasugatan sa naganap na karambola ng siyam na sasakyan sa Commonwealth Avenue, Quezon City kamakalawa ng gabi.

Kinilala ng Traffic Sector 5 ang nasawi na si Dominador Petralve Caina, 48-anyos, janitor ng SM North EDSA at residente ng Lucas St., Sto. Niño, Payatas-A, QC.

Namatay si Caina habang ginagamot sa ospital sanhi ng tinamong head injury at malalalim na sugat sa katawan.

Isinugod naman sa East Avenue Medical Center, Quezon City General Hospital at Amang Rodriguez Hospital sa Marikina ang mga sugatan sa aksidente.

Pawang nagtamo ng mga pasa, galos, pilay at bukol sa iba’t ibang bahagi ng katawan ang mga biktima.

Sa inisyal na imbestigasyon ng Quezon City ­Police District-Traffic Bureau, alas-9:30 ng gabi nang mangyari ang aksidente sa stoplight ng Tandang Sora, Quezon City.

Batay sa report, binabaybay ng Fermina Express bus na may plate number ABD 7702 ang Commonwealth Ave­nue patungong Fairview nang bigla nitong salpukin ang Renan Transit bus na may plakang UVL 305 sa likurang bahagi habang nagsasakay at nagbababa ng pasahero.

Sinasabing nawalan ng preno ang Fermina bus kaya sinalpok nito ang 8 iba pang mga nakahintong sasakyan.