Abante Tonite Interactive

Japanese nalunod sa diving resort

156

Pinaniniwalaang pagkalunod ang ikinamatay ng isang Japanese national matapos itong hindi na lumutang nang mag-dive sa karagatan kasama ang kanyang kababayang diving trainer at dalawang iba pa sa Apo Island sa Dauin, Negros Oriental Biyernes ng umaga.

Dalawang oras na hinanap bago natagpuan ang bangkay ng biktimang si Kohei Kobashi, 80-anyos, ng mga awtoridad at ilang residente na nagsagawa ng rescue operation.

Ayon kay Negros Oriental Police Provincial Office director Police Col. Julian Entoma, dakong alas-9:30 ng umaga nang sumakay sa bangkang de motor ang grupo ni Kobashi at nagtungo sa malalim na parte ng Apo Island upang mag-diving.

Nabatid sa mga kasamahan ng biktima na napahiwalay ito sa kanila at hindi na lumutang kaya agad na humingi sila ng tulong sa mga awtoridad.

Dakong alas-11:26 ng umaga nang matagpuan ang biktima sa ilalim ng dagat at batay sa pagsisiyasat ng pulisya mayroon itong sugat sa mukha na pinaniniwalaang tumama sa mga coral. ­(Edwin Balasa)