Abante Tonite Interactive

Japanese national biniktima mala-beauty queen na sumalisi, umatake sa NAIA

By
3,428

Level-up ang kilabot na sindikato ng salisi gang na kumakana nga­yon sa Ninoy Aquino International Airport (NAIA).

Ito ay dahil magagan­dang babae ang kinakasangkapan ng sindikato para mambiktima ng mga paalis na pasahero sa departure area ng NAIA.

Ayon kay Lt. Jaime Estrella ng Airport Police Department (APD), isang Japanese national na si Tetsuya Makita, 58-taong gulang, pasahero ng Japan Airlines (JAL) flight JL742 na patungong Narita, ­Japan ang nagreklamo sa ­kanyang tanggapan dahil sa nawala niyang bag na umano’y tina­ngay ng tatlong magagandang babae na parang mga beauty queen habang hinihintay niya ang kanyang flight sa departure waiting area ng ­Terminal 1.

Base sa salaysay ni Makita, nakatayo siya habang hinihintay ang kanyang flight sa nabanggit na lugar nang tatlong mistulang beauty queen ang nagtanong sa kanya kung anong oras na.

Habang abala ang biktima sa pakikipag-usap sa isa na marunong magsalita ng Nipongo, ang dalawang kasamahan nito ay nasa likod at hindi niya namalayan na kinukulimbat na pala ang kanyang bag.

Idinagdag pa ng biktima na sa ilang minutong pakikipag-usap sa kanya ay bilang naglaho ang tatlong babae dala ang kanyang bag na may laman na pasaporte, airline ticket, DVD at cash na 50,000 Japanese yen.

Dahil sa nawalang pasaporte, hindi nakaalis si Makita at pinatulog na lamang ni Estrella sa kanyang opisina habang umaasang marerekober pa ang tinangay na bag.

Humingi ito ng tulong sa Japanese Embassy para mabigyan ng panibagong travel document para makauwi.
Kamakalawa ng hapon, natugunan ang hiling ni Makita at nakauwi na ito sa Japan.