Abante Tonite
Mabilis sa Balita

9 pukpukan sa Aliwan Digital Queen

0 113

Inilahad na kamakailan ng Manila Broadcasting Company (MBC) ang siyam na kandidatang maglalaban para sa korona ng Aliwan Digital Queen 2020 matapos ang isang buwang pagsuyod ng kanilang mga istasyon ng radio sa buong kapuluan.

Si Jannarie Zarzoso ng Cabadbaran, Agusan del Norte ay 21 anyos, at nagtapos sa Fr Saturnino Urios University at Surigao Education Center. Matindi niyang ipinaglalaban ang paggamot sa psoriasis sa natural na paraan. Magaling siyang public speaker, at mahilig pumunta sa iba’t-ibang lugar..

Ang 5’10” namang si Jasmine Omay ng Tarlac ay marunong mag-biyolin at gitara, bukod sa pagkanta. 21 anyos siya at kumuha ng business management at entrepreneurship sa Tarlac State University. Kasalukuyan siyang nag-aaral maging piloto ng eroplano. Sinusuportahan niya ang mga maysakit na cancer sa pamamagitan ng pagtulong sa Kythe Foundation.

Ang isla naman ng Boracay, Aklan ang ibinabandila ni Nicole Angela Crescini. Si Nics ay 20 anyos at nag-aaral sa Far Eastern University. Mahilig siya magbungkal sa hardin, magluto, at kumanta. Kanya ring tinutulungan ang Malaynon Ati Tribe.

Bicolana naman si Esperanza Francisco. Ang 25 anyos na Tourism graduate ng Mariners Polytechnic College .Kasalukuyan siyangg front office manager ng Avenue Hotel sa Naga City. Mahilig siyang manood ng mga documentary. Sumali siya sa timpalak upang patunayan na ang kagandahan ng isang babae ay hindi lamang sa kanyang panlabas na anyo, kungdi mas mahalaga ang laman ng kanyang puso’t diwa.

Nakapagtapos naman ng Pharmacy sa University of the Immaculate Conception si Katrina Anne Johnson ng Davao. 22 anyos si Kat at mahilig bumigkas ng tula bilang “spoken word.” Aktibo siya sa community service kasama ng Maharlika Foundation, na nagbibigay ng libreng medical assistance sa mga mahihirap at malalayong lugar.

21 anyos din si Bianca Wilhelmina Willemsen ng Consolacion, Cebu. Siya’y nag-aaral sa Cebu Technological University. Marunong siya ng karate, at mahilig mag-bake. Nagdi-disenyo rin siya ng mga damit. Dutch ang kanyang ama, at sa kanyang libreng oras, siya’y mahilig magbasa, umawit, at sumayaw.

Taga-Baguio naman si Alana Monica Rhedey, 20 anyos.Mahilig din siya sa sining, lalo na sa pagkuha ng litrato. Aktibo siya sa Baguio Animal Lovers League.

Kinatawan naman ng Iloilo ang 19-anyos na si Sharon Idone. Nasa unang taon siya ng pag-aaral ng financial management sa University of San Agustin. Ipinanganak si Shawie sa Italya, at mahilig siyang umarte at sumayaw.

At naroon din si Alyssa May Nicholls ng Isulan, Sultan Kudarat. Senior high school pa lang ang 18-anyos na mahilig sa pagkanta, palakasan, kalikasan, at pagiging siklista. Ipinaglalaban naman niya ang wildlife preservation sa kanyang lalawigan.

Ang siyam na naggagandahang dilag ay maglalaban sa tatlong magkakasunod na lingo, na ipalalabas sa social media platforms ng MBC, sa Facebook pages ng Aliwan Fiesta, Love Radio, Yes The Best, Easy Rock at Radyo Natin. Matutunghayan din ang kompetisyon sa DZRH News Television (Cignal CH18, Skycable Ch 129). Sa ika-12 ng Setyembre.Ilalahad nila ang kanilang kaalaman sa kalinangan, mga tradisyon at kaugalian sa kanya-kanyang lugar sa Pride of Place. Sa ika-19 ng Setyembre naman ang talent at special skills comeptiion, kung saan ipapamalas nila ang kanilang galing sa sining, pagiging atleta, o pagluluto. Sa ika-26 ng Setyembre, kasunod ng kanilang pagrampa sa evening gown, kikilatisin sila ng mga hurado sa pinakaaabangang question-and-answer portion.

Sa ika-3 ng Oktubre malalaman ang tatanghaling Aliwan Fiesta Digital Queen 2020, na tatanggap ng P50,000. Ang first runner up ay bibigyan ng P25,000, at ang second runner up P15,000. Tatanggap din silang tatlo ng counterpart amounts para sa kanilang chosen charities, habang may consolation prizes din para sa anim na hindi papalarin. Magkakaroon din ng special awards para sa Netizens Choice, Miss Unique Smile, Miss Tibay Tanduay, Miss Charm, at Miss White Rose.

Ang titulo ng Aliwan Fiesta Digital Queen 2020 ay iba sa Reyna ng Aliwan, na mananatiling bahagi ng pinakamalaking pagdiriwang na nagbubuklod sa iba’t-ibang kapistahan ng kapuluan bilang pagsuong sa turismo ng ating bansa, na isinantabi muna ngayong taon dahil sa pandemya.

Leave A Reply

Your email address will not be published.