Abante Tonite Interactive

Jazz sintunado kina James, Davis

283

Sa pangalawang laro sa 2019-20 season, nilabas ng astig na tandem ng Lakers ang pamatay na porma.

Tumabo si LeBron James ng 32 points, 7 rebounds at 10 assists, nagdagdag si Anthony Davis ng 21 points at 7 rebounds, at pinatahimik ng Los Angeles ang Utah Jazz 95-86 Biyernes nang gabi sa Staples Center.

Unang home game ni Davis sa Lakers. Naglaro na sila sa Staples Center sa opening day nitong Martes, pero Lakers ang ‘away’ team laban sa Clippers.

Apat na 3-pointers ang ibinaon ni Troy Daniels tungo sa 15 points sa LA.

Maliban sa pasabog na opensa na nakaangkla kina James at Davis, nag­latag din ng nakakasakal na depensa ang Lakers at pinuwersa sa 23 turnovers ang Jazz.

Umiskor si Donovan Mitchell ng 24 sa Jazz, nag­laro na wala si newcomer Bojan Bogdanovic. Inabot ng ankle injury si Bogdanovic sa season-opener ng Utah nitong Huwebes kontra Oklahoma City.

Nasa unahan mula opening minutes ang ­Lakers bago kinontrol ang laro sa third quarter nang maglista ng 12 points si James at may tatlong 3-pointers si Daniels. Kinuha nitong ­offseason si Daniels at walang ibang papel kundi mag-abang sa labas at bumitaw ng spot-up 3s. (VE)