Abante Tonite Interactive

Jean binayaran para ‘pumatay’

0 248

Walang kupas ang ganda at kaseksihan ng beterenang aktres na si Jean Garcia. Parang hindi tumatanda ang aktres dahil looking bagets pa rin siya sa edad na 50.

Hindi mapapansin na mayroon na siyang mga apo sa anak na si Jennica Garcia. Kung pagtatabihin sila ay para lang magkapatid.

Sa bagong pelikula nga niya ay ibang ‘Jean Garcia’ ang masasaksihan.

Ito kasi ang kauna-unahang pagkakataon na sumabak siya sa isang action film. Nagamit niya ang kanyang husay sa mga kontrabida roles na madalas niyang nagiging karakter.

Sa panayam sa kanya, ikinuwento niya ang napaka-challenging niyang role. Aniya, “Ako po si Luciana, I’m a hired killer dito sa pelikula. Kaya ‘Watch Me Kill’, kasi pumapatay po ako ng tao, pero may bayad.”

Dagdag pa niya, “Very challenging talaga, actually na-in love ako du’n sa script, pero alam ko na magiging physically draining siya.”

Mula sa sophisticated, elegant at intimidating na ‘Jean Garcia’ ay nag-transform siya sa misteryoso, palaban at kakila-kilabot na ‘Luciana’.

Kaya ganoon na lamang ang pagsuporta ng anak niya na si Jennica sa mismong premiere night ng pelikula. Sa loob ng sinehan ay buong pagmamalaki pang isinigaw ni Jennica ang “I love you, Mommy!”

Bukod kay Jennica, nagpakita rin ng suporta ang kaibigan ni Jean na si Rita Avila. Namataan ding dumalo sa premiere night ang aktor na si Jerome Ponce.

Kabilang sa cast ng “Watch Me Kill” sina Jay Manalo, Althea Vega, Junyka Santarin at Rodolfo Muyuela.

Ang “Watch Me Kill” ay kabilang sa finalist sa Pista ng Pelikulang Pilipino at WARSAW International Film Festival ngayong 2019. Ito ang ikalawang pelikula na idinirek ni Tyrone Acierto, matapos ang kanyang naunang pelikula na “The Grave Bandits” na nagwagi ng Best Picture at Best Director Award sa New Wave category noong 2012. Showing ito sa September 13. (Ronaline Avecilla)