Abante Tonite Interactive

Jean, swak na swak kay Richard sa bagong ‘Mano Po’

By
9

BUMALIK ang interes nina Mother Lily at Roselle Monteverde sa Mano Po nang binigyan sila ng magandang kuwento ni Direk Ian Loreños na isa ring Chinese.

Kaya nabuo ang Mano Po 7 na balak nilang isali sa nalalapit na Metro Manila Film Festival.

Sabi ni Roselle, matagal na nilang gustong makatrabaho si Direk Ian Lorenos na gumawa ng Alagwa ni Jericho Rosales at The Living na isinali sa Cinemalaya na siyang nagpanalo kay LJ Reyes bilang Best Supporting Actress.

Sabi ni Roselle, tamang-tama si direk Ian dahil isa rin siyang Chinoy, marami siyang ideas at inputs sa project na alam niya.

“He has a lot of ideas, a lot of new things that’s happening now with the Chinese-Filipino in this generation,” pahayag ni Roselle Monteverde.

Pinanood daw kay direk Ian ang anim na episodes ng Mano Po at so far, ang nagmarka sa kanya nang husto eh ang Mano Po 2 na dinirek ni Erik Matti.

Itong bagong version niya ay ibang-iba sa nakaraang anim na episodes pero magkakaroon din ng mga eksena na magbibigay halaga sa nakaraang episodes na likha nina direk Joel Lamangan at direk Erik Matti.

Ang ilang highlights ng pelikulang ito ay kukunan daw sa Putuoshan, China.

Taun-taon pala ay pumupunta sa Putuoshan si Roselle at dalawang beses ding nakapunta roon si Mother Lily.

Miraculous daw ang lugar na iyun na itinuturing nilang parang Lourdes, France ng mga Chinese.

Sabi ni Mother Lily, lahat na hiniling niya sa Putuoshan ay natupad. Kaya positive silang matutupad ang hihilingin nila para sa pelikulang ito.

***

Si Richard Yap ang bida sa pelikulang ito kung saan makakatambal niya si Jean Garcia na matagal na pala niyang crush.

First time nilang mapasama sa Mano Po kaya natutuwa sila.

Walang napanood si Jean na kahit isang episode ng Mano Po, at mabuting huwag na raw siyang manood para hindi siya maimpluwensya at iba ang atake niya.

Sabi ni direk Ian, wala silang ibang naisip kung sino ang puwedeng gumanap na bidang lalaki kundi si Richard lang. Nakakapagbigay pa si Richard ng ilang ideya na nalalaman niya sa Chinese community.

Napag-usapan na rin sa story conference na naturang project ang plano ni Richard dahil tingin niya, hindi siya gaanong magtatagal sa showbiz.

Pinag-iisipan na niya kung kailan siya titigil sa pag-aartista.

Kuwento ni Papa Chen, “Sabi ko sa sarili ko, hanggang 55 siguro. Pero hindi kasi natin masabi eh.

“Meron lang akong plan, pero it’s subject to… I can go earlier or I can go later, I can stop. Depende kung there’s a clamor for me to be in showbiz pa rin, I can stay.”

Napag-usapan nila ng asawa niya at ng buong pamilya na mag-focus na sa mga nasimulang nilang negosyo.

Kung itutuloy ni Richard ang plano niyang mag-retire sa showbiz sa edad na 55, may anim na taon pa siya sa pag-aartista.