Abante Tonite Interactive

Jeanelyn ginahasa bago pinatay

816

Lumitiw sa autopsy report ng National Burea of ­Investigation (NBI) na ginahasa umano ang Pinay domestic helper na si Jeanelyn Villavende na unang napaulat na sinaktan hanggang mapatay ng kanyang Kuwaiti employer noong nakalipas na buwan.

Ayon kay Justice Secretary Menardo Guevarra, base sa isina­gawang pagsusuri ng ­National Bureau of Investigation (NBI) sa bangkay ni Villavende, luma­labas na dumanas ito ng sexual abuse.

“There were clear ­indications of sexual abuse,” ayon kay ­Guevarra.
Nabatid na ang bangkay ni Villavende ay isinailalim sa awtopsiya ni Dr. Ricardo Rodaje, hepe ng NBI medico-legal division noong Enero 10 sa Cotabato malapit sa residente ng biktima.

Kinakitaan rin ng mga ­sugat na gumaling na si Villavende sa kanyang katawan bago ang ­naganap na pagpaslang.

Una nang iniutos ni ­Guevarra sa NBI na imbestigahan ang ­sirkumstansiya ng ginawang pagri-recruit kay Villavende sa Pilipinas.

Sa ilalim ng Department ­Order 009 na may petsang ­Enero 8, binigyan ni ­Guevarra ng ­direktiba ang NBI na ­magsagawa ng imbestigasyon at case build up sa loob ng 30 araw at kung may ebidensiya ay sampahan ng kaso ang mga taong responsable.

Pinaalam ni Guevarra kung posibleng lumabag sa Migrant Workers and Overseas Filipinos Act of 1995, Anti-Trafficking in Persons Act of 2003, o iba pang batas ang recruitment agency na nagdala kay Villavende sa kanyang employer sa Kuwait.

Ang bangkay ng OFW ay dumating sa Manila noong nakalipas na Miyerkoles at kaagad ­naman dinala sa kanyang bayan sa Norala, South Cotabato
May iba pang suspek

Naniniwala naman si Foreign­ Affairs Secretary Teorodo ­Locsin na posibleng may iba pang suspek sa panggagahasa sa Pinay na si ­Villavendi.

“This is what I mean. It took two at least, two to hold her down and the other to ­sexually abuse her; ditto pressing hot iron on her back. A fine Arab gentleman told me to check if there’s a son. In abuse ­cases wife rats on husband; but if son is ­involved parents take the rap,” paliwanag pa nito sa kanyang tweet matapos na lumabas ang impormasyon na posibleng ginahasa pa ang biktima.

Permanent deployment ban sa Kuwait
Samantala, nagbabala si ­Labor Secretary Silvestre­ ­Bello III na maaaring magdeklara ang gobyerno ng permanenteng ­deployment ban ng mga OFW sa Kuwait bunsod ng kuwestiyunableng autopy report kay Villavende.

Sa ginanap na press confe­rence sa burol ng biktima sa ­Purok Guimbal, Barangay Tinago, sinabi ni Bello na lumitaw na pawang kasinungalingan ang nilagay ng Kuwaiti government sa autopsy report ni Villavende .

“Lumalabas na walang kuwenta ang ginawang autopsy ng Kuwait. ‘Di ko pa masabi ang resulta pero talagang kasinunga­lingan ‘yung autopsy report ng Kuwait government,” sabi ni Bello .

Sinabi pa nito na may ­ginawang ‘kakaiba’ sa ­26-anyos na biktima at labis itong pinahirapan,
Nang makita ni Bello ang ‘one sentence’ autopsy report ng Kuwait, sinabi nito na ­parang gusto niyang patayin ang ­emabahador ng Kuwait dahil sa ginawa nitong panlilinlang sa bansa at sa bawat Pilipino.

Tiniyak pa ni Bello ­gugulong ang hustisya sa kaso ni ­Villevendo para ­mapanagot ang mga ­employer nito na ­nakakulong na sa Kuwait. (­Juliet de Loza-­Cudia)