Abante Tonite
Mabilis sa Balita

Jeep sumirko sa bangin, 25 sakay nabuhay

0 147

Hindi bababa sa 25 kabataan ang sugatan matapos maaksidente ang sinasakyan nilang jeep sa highway sa Barangay Abuyon, San Narciso, Quezon nitong Biyernes.

Ayon sa report ng San Narciso Municipal Police Station, alas-12:00 kahapon ng tanghali, galing sa bayan ng Catanauan, Quezon ang jeep at pabalik na sana sa bayan ng Buenavista nang sumalpok ito sa barrier ng highway at dumiretso sa isang maliit na bangin.

Bumaliktad pa ang jeep sa lugar kung saan ito nahulog.

Lulan ng jeep ang grupo ng mga kabataan mula sa iba’t ibang youth organization at Sangguniang Kabataan ng Buenavista. Galing daw sila sa outing sa Catanauan.

Kuwento ng isang pasahero, nawalan ng preno ang sinasakyan nilang jeep dahilan para dumiretso ito sa bangin.

Nabatid na 25 sa 26 pasahero ng jeep ang sugatan: tatlo sa mga ito ay nagtamo ng bone fracture habang ang iba naman ay minor injury lang.

Lahat ng mga biktima ay isinugod sa isang pagamutan sa bayan ng San Narciso.

Agad naman na sumaklolo ang mga opisyal ng LGU Buenavista sa mga kabataang biktima, at nangakong tutulong sa pagpapagamot ng mga ito.

Patuloy ang isinasagawang imbestigasyon ng San Narciso Municipal Police Station sa insidente. (Ronilo Dagos)

Leave A Reply

Your email address will not be published.