Abante Tonite Interactive

Jeep vs truck: Dalagang pasahero dedbol, 7 sugatan

268

Patay ang isang dalagang empleyada habang sugatan naman ang pito pang pasahero nang salpukin ng truck ang sinasakyang jeep ng mga biktima sa Quezon City Sabado nang umaga.

Kinilala ni Major Aldin Enrico, hepe ng Traffic Sector 4, ang nasawi na si Jocelyn Vizcaya Flores, 35, empleyada ng hindi binanggit na pribadong kompanya, at residente ng Brgy. Manresa sa nasabing siyudad.

Sugatan naman sina Amit Albent, Cathrina Romeo, Jonathan Baliane, Rose Marie Orgonia, Cheryn Tupaz, Jaz Bagumbayan, at Dave Cordero na pawang pasahero ng jeep na minamaneho ni Angel Fabrero, 53-anyos.

Agad namang naaresto ang 41-anyos na si Alfredo Gallosa, driver ng truck na Fuso Canter, at nakakulong na ito ngayon sa Traffic Sector 4 habang inihahanda ang mga kasong reckless imprudence resulting to homicide, multiple physical injuries, at damage to property na isasampa laban sa kanya.

Batay sa imbestigasyon ni Patrolman John Dave Mallillin, dakong alas-7:20 ng umaga nang maganap ang aksidente sa panulukan ng Timog Avenue at Scout Tobias Street sa Brgy. Laging Handa.

Binabagtas ng jeep ang kahabaan ng Timog Avenue galing Mother Ignacia Avenue nang banggain ng trak ang kaliwang bahagi ng sasakyan.

Sa lakas ng pagkakabangga ay umikot ang jeep na naging dahilan upang tumilapon palabas ang nasawing si Flores.

Dinala sa Capitol Medical Center si Flores subalit idineklarang dead on arrival sanhi na rin na matinding pinsala na tinamo nito sa ulo at iba’t ibang parte ng kanyang katawan, habang isinugod naman sa East Avenue Medical Center ang mga sugatan. (Dolly Cabreza)