Abante Tonite Interactive

Jeepney modernization tuloy na — LTFRB

By
2,956

Sa gitna ng panibagong kilos-protesta kahapon na inilunsad ng jeepney group na Pinag isang Samahan ng mga Tsuper at Ope­rators Nationwide (PISTON) sa tanggapan ng Land Transportation Franchising and Regulatory Board (LTFRB) sa Quezon City, nanindigan ang ahensya na walang makapipigil at tuloy pa rin ang modernization program sa mga jeep kahit pa man araw-arawin ang pagsasagawa ng kilos-protesta.

Sinabi ni LTFRB Board Member Atty. Aileen Lizada na ginagalang nila ang hinanaing ng PISTON su­balit ang makabubuti sa nakararami ang siyang dapat na ipatupad at hindi ang reklamo lamang ng iilan.

“Tuloy po ang mo­dernization program, kinakailangang gawin ito para sa safety, welfare, and convenience ng riding public at para sa future generations natin at sa Clean Air Act,” pahayag ni Lizada.

Abante Hiring – IT dep

Ani Lizada sa mga jeepney operators at drivers na may katanungan sa jeep mo­dernization ay mayroon silang on-going ‘One Stop Shop’ kung saan maaaring sumangguni ang sinuman kung may tanong, mayroon umanong kinatawan ng DOTR at mga legal officer na handang makinig at magbigay linaw sa mga agam-agam ng mga driver at operator.

Ang ‘One Stop Shop’ ay isinagasawa sa Unit 116 16th Floor Columbia Tower mula alas-nuwebe nang umaga hanggang alas-singko nang hapon, ang natitira umanong iskedyul ay June 3, 9, July 6, 13, 20 at 27.

Kahapon ay nag­lunsad ng protesta ang PISTON at ang No To Jeepney Phase Out Coalition (NTJPOC) sa harap ng tanggapan ng LTFRB kung saan maliban sa pagtutol sa jeep mo­dernization ay kinokondena din nito ang pagpapatupad ng TRAIN Law na nagresulta lamang sa pagtaas ng presyo ng ga­solina at bilihin.

Tinututulan ng PISTON ang panibagong Memorandum Circulars 2018-006 na ipinalabas ng LTFRB o ang Guidelines for the Public Uti­lity Vehicle Modernization Program na nakasaad na ang mga individual franchise hol­der ay dapat bumuo ng isang cooperative o corporation at mag-apply, sa loob umano ng tatlong buwan ay aaprubahan ito ng ahensya at obligado ang mga ope­rator na palitan na ang kanilang lumang sasakyan ng electric solar o Euro 4 utility vehicles.

Sinabi ni PISTON President George San Mateo na walang pinagkaiba ang MC na ipina­labas sa mga dati nang direktiba ng LTFRB dahil ang kalalabasan nito ay kailangan pa ding bumili ng mamahaling sasakyan.