Abante Tonite Interactive

Jennylyn: ‘Sampung beses na akong nabuntis’

By
2,541

Tinawanan lang ni Jennylyn Mercado ang balitang buntis siya.

“Pang-ilang chika na ba ‘yan? Kasi, parang sampung beses na akong nabuntis, pero isa pa lang ‘yung anak ko! Ha! Ha! Ha!” bulalas ni Jen nang makausap namin sa set ng ‘The Cure’ sa San Jose del Monte, Bulacan last Friday.

“Hindi ko alam. Saan nanggaling ‘yan?” tanong pa ng Kapuso actress.

In fairness ay ang payat ni Jen. Sobrang slim ng bewang niya (na sabi niya sa amin ay 25” ang waistline niya, pero parang 20” lang), saan niya itinago ang nasa tiyan niya?

“‘Yun nga, eh! Imposible nga, eh!” nakangiting pakli niya.

Inulit pa niya ‘yung word na imposible, na ang sabi namin ay parang hindi naman imposible dahil alam ng lahat na in a relationship siya at sobrang nagmamahalan sila ng nobyo niyang si Dennis Trillo.

“Imposible talaga, maniwala kayo. Ate Rose, pakilabas ‘yung kakatanggal ko lang sa basurahan,” dayalog niya sa assistant niya, na ibig sabihin ay kakagamit niya lang ng sanitary napkin at meron siyang monthly period nang makausap namin siya.

Nu’ng may magsabi raw sa kanya ng tungkol sa buntis issue, ang reaksyon ni Jen ay, “Paano nangyari? Bakit may gano’n? Saan nanggaling?”

Eh kasi nga, happy sila ni Dennis sa relasyon nila, kaya may mga nag-iisip ng gano’n.

“Ganu’n ba ‘yon? Buntis agad?!”

Hindi naman agad dahil matagal na rin sila ni Dennis, ‘di ba?

“Hindi, pero siyempre, uulitin ko ba ‘yung pagkakamali, ‘di ba? Hindi na. Dapat sa tamang paraan na. At saka mukha ba akong buntis?” sabay himas niya sa tiyan niyang flat na flat.

“Wala, eh. Sayang! Ha! Ha! Ha!”

Nanghinayang?

“Ha! Ha! Ha! Hindi, hindi. Hindi pa!”

Ani Jen, darating din ‘yon sa tamang panahon. Gusto niya ay kasal muna dahil hindi na raw niya uulitin ‘yung pagkakamali niya before.

“Hindi naman siya pagkakamali. Kumbaga, ayoko lang nu’ng ganu’ng paraan ulit. Kasi si Jazz (anak nila ni Patrick Garcia), blessing ‘yan. Happy ako na duma­ting si Jazz sa buhay ko.”

Magti-10 years old na pala sa August si Alex Jazz habang si Calix na anak ni Dennis (kay Carlene Aguilar) mag-i-11 na.

Bukas ay simula na ng last 2 weeks ng Kapuso drama-thriller na ‘The Cure’. Tao pala ang magi­ging ‘cure’ sa lumaganap na epidemya, pero ayaw sabihin ni Jen kung sino dahil marami raw puwede.

Challenging kay Jen physically ang karakter niyang si Charity Salvador, pero nakaya niya. Pinakanahirapan siya sa eksenang nasa loob sila ng nakatagilid na sasakyan tapos ay kailangan nilang mag-drama.

Napapanood ang ‘The Cure’ gabi-gabi sa GMA Telebabad pagkatapos ng ’24 Oras’.

 

Zanjoe tameme kay Josie Prendergast

Inusisa namin si Zanjoe Marudo tungkol sa napapabalitang girlfriend niya ngayon si Josie Prendergast.

Totoo bang syota na niya ang magandang Fil-Aussie surfer-model na taga-Siargao?

“Masyadong mara­ming nag-a-assume. Actually, wala pa akong masi-share doon dahil unang-una, bago pa lang kaming magkakilala.

“And then, nakakahiya rin na nada-drag ‘yung name niya. Masyado siyang private na tao. So, gusto kong respetuhin ‘yon,” sey ni Zanjoe nang matsika namin kahapon sa presscon ng ‘Kusina Kings’.

Gaano katagal na ba silang magkakilala ni Josie?

“Bago lang. As in bago lang.”

Pero plano niyang i-pursue ang panliligaw sa 19-anyos Josie?

“Sa ngayon, wala pa akong masasabi. Kaila­ngan sigu­ro… kasi nga, wala pa akong makukuwento. So, ‘pag meron na, balitaan ko kayo.”

Paano niya ide-describe ang friendship nila?

Napangiti si Z at ang sabi, “Irespeto natin ‘yung privacy nu’ng tao. Wala pa talaga akong makukuwento.”

Wala raw talagang lovelife ngayon ang Kapamilya hunk na magbi-birthday sa July 23.

May taping daw siya sa araw na ‘yon, tapos ay premiere night ng movie nila ni Empoy Marquez, so hindi siya makakapag-celebrate.

Ang sabi sa amin ni Z, maghahanap siya ng break kahit 5 days lang. Hindi niya alam kung papayagan siyang mag-out of the country o kahit dito lang sa ‘Pinas.

Empoy, Z umariba ang kaberdehan

Naughty ang pelikulang ‘Kusina Kings’ na may mga salitang tulad ng nagbabate, matigas, Ismael (as in ma-L), kainan at marami pang kapilyuhan at kaberdehan.

Sabi ni Z (tawag kay Zan­joe), cute lumalabas ang mga patawa nila at hindi bastos o nakaka-offend. Rated PG ang target rating nila na puwedeng panoorin kahit ng mga bata.

Ang deadpan na hirit ni Empoy, people change at mga ganitong pelikula na ang sinusuportahan nga­yon ng MTRCB.

Panlalaki ang comedy ng ‘Kusina Kings’ na may mga sexual innuendo, pero mas bet ito ng only girl sa presscon na si Nathalie Hart.

Katwitan ni Nathalie, ‘pag sobrang clean ng joke ay parang boring. ‘Pag may double meaning­ ay mas nakakatawa.

Mula sa direktor ng critically-acclaimed na ‘Patay Na Si Hesus’ na si Victor Villanueva, sa July 25 ang showing nationwide ng ‘Kusina Kings’.