Abante Tonite Interactive

Jessica Soho pinahiya ang mga Marcos

2,708

Nagisa nang husto si dating Ilocos Norte Gov. Imee Marcos nang dumalo ito sa mainit na senatorial debate sa GMA Network at tadtarin ng tanong ni broadcast journalist Jessica Soho tungkol sa diumano’y nakaw na yaman ng kanilang pamilya.

Sa naturang programa, kinompronta ni Soho si Marcos tungkol sa denial nito na hindi umano nagnakaw ang pamilya nito mula sa gobyerno at ang mga akusasyong ito ay hindi pa napatutunayan sa korte.

“Sinabi n’yo na political accusations lang at hindi pa napatunayan sa korte ang mga paratang na ang inyong pamil­ya ay may ill-gotten wealth. Pero sa datos po ng PCGG or Presidential Commission on Good Government, mayroon na pong 170 billion plus na narecover mula sa inyong pamil­ya bilang ill-gotten wealth. Paano niyo po kukumbinsihin ang mga botante sa Mayo na hindi nga po ‘yun illegal weath?” tanong ni Soho.

Nawala ang ngiti ni Imee sa katanungan pero nakapagbigay pa rin siya ng paliwanag tungkol sa tanong ni Soho.

“Napakadami pang kaso na pending sa iba’t iba pong mga korte. Handa po kaming ipagtanggol ang aming pangalan. At alam po natin na iyong PCGG ay magpapatuloy pero ayaw ko pong mag-comment dahil interesado po kami. Pero patuloy po naming ipagtatanggol at ipaglalaban, ebidensya sa ebidensya, dokumento sa dokumento, lahat ng mga paratang na ito,” saad ni Imee.

Hindi naman nakuntento si Soho sa sagot ni Imee kaya’t nagbigay ito ng follow-up question.

“Si Presidente Duterte po mismo ang nagsabi na kuma­usap po kayo sa kanya. Kayo raw po mismo, para mag-settle. Ibig sabihin, nakahanda po ang inyong pamilya na magbalik maybe part o partial na wealth na described as ill-­gotten. Paano po ninyo ie-explain po ito?” tanong ni Soho.

Kahit nabaon sa isyu, may palusot naman dito ang anak ni dating Pangulong Ferdinand Marcos.

“My family volunteered to President Duterte na makiki­pag-ugnayan at magco-­cooperate kami sa pagbigay ng impormasyon, ano man ang puwede naming ibigay, ano man ang nalalaman namin, pati na rin ang mga papeles. Dahil alam namin na si Duterte ay committed sa pagbabago at naniniwala kami sa agenda niya.”

Nasa studio rin ang kapatid ni Imee na si Bongbong Marcos at nahuli ng camera na nakatingala sa taas, habang ­binubugbog ng katanungan ang kanyang kapatid.