Halos nakatakdang patagin ng Alas ‘Pinas Women at Men ang pinakamataas na bundok para makadaan dahil sa mga tigasing mga karibal sa Aichi-Nagoya 20th Asian Games 2026 sa Setyembre 19-Oktubre 4.
Napabilang ang FIVB world No. 61 Pinay squad ni kapitana Julia Melissa ‘Jia’ Morado-De Guzman sa Pool B kasama ang No. 7 China at No. 39 Kazakhstan, habang ang kanilang world No. 96 male counterpart ka-Pool D ang No. 35 Chinese at No. 60 Taiwan.
Kaugnay ito sa ginanap na draw sa Nagoya Hilton Hotel sa Nagoya nitong Huwebes, Hulyo 23 na pinangasiwaan ng Aichi-Nagoya Asian Games Organizing Committee at ng Bangkok-based Asian Volleyball Confederation.
Halos tatlong linggo pa lang nakakapag-ensayo at inaasahang mas paspasan na ang paghahanda ng Alas Women kung nanaising mapantayan ang kalidad ng 9-time gold medalist at back-to-back defending champion China at ng 2023 Hangzhou Asiad bronze medalist Kazakhs.
Hindi nakalahok ang Alas Women sa 2023 Hangzhou pagkasabak noong 2018 sa Jakarta samantalang tumapos na ika-13 ang Alas Men sa Hangzhou.
Ika-10 ang Asian ranking ng Pinay team, at ang men’s squad ay No. 15.
Nasa Pool A ang Japanese, Indonesia, Nepal, sa Pool C ang Thailand, Taiwan, Kyrgyzstan, Mongolia, at nasa Pool D ang Vietnam, South Korea, Hong Kong, Qatar sa women’s division.
Sa men’s side ay Japan, Pakistan, Kazakhstan, Uzbekistan ang nasa Pool A, Iran, Indonesia, Thailand, Kyrgyzstan ang Pool B, at Qatar, India, Vietnam, Hong Kong ang Pool C. (Lito Oredo)











