WebClick Tracer

Jia De Guzman, Alas babayo sa SEAV Cup bago mag-Asiad

ABANTE TONITE

Dikdikan na sa ikatlong araw ang national training ng 22-player Alas ‘Pinas Women’s pool na ginigiyahan ni Jia De Guzman, ikakasa ng Philippine Olympic Committee sa Aichi-Nagoya 20th Asian Games sa Setyembre 19-Oktubre 4.

Inorganisa ng POC dahil suspendido ang Philippine National Volleyball Federation sa International Volleyball Federation, nangangasiwa sa pool training si Japanese coach Takayuki Minowa – palitan sa Gameville sa Mandaluyong at MPire Center sa Quezon City bago lilipat sa pasilidad ng Philippine Sports Commission na PhilSports Arena sa Pasig ang practices.

Ang mga pagsasanay ay mula Lunes-Biyernes ng alas-12 ng tanghali-alas-3:00 ng hapon. Kasado muna ang Alas bago mag-Asiad sa may dalawang bahaging 6th Southeast Asia Volleyball Cup sa Vietnam sa Hulyo 31-Agosto 2 at sa Thailand sa Aug. 7-9.

Sa bilang, tanging sina Fifi Sharma ng Akari, Gel Cayuna ng Nxled, Angel Canino at Amie Provido ng De La Salle University, at Alleiah Jan Malaluan ng PLDT, na nag-recover sa knee injury, ang hindi pa nakakasipot sa training.

Humahambalos na bukod kay De Guzman sina Creamline teammate Jennifer Nierva, Del Palomata ng PLDT, Thea Gagate ng ZUS Coffee, Marionne Alba at Justine Jazareno ng Akari, at Bella Belen, Vanie Gandler at Erika Santos ng Capital1.

Kasama ring sumasagot sa tawag sina Dawn Catindig at Eya Laure ng Choco Mucho, Nina Ytang at Alyssa Solomon ng SGA, at Arah Panique, Shaira Jardio, Celine Marsh, at Vange Alinsug ng National University.

Si Shaira Shaina Marie Nitura ng Adamson University ay nagpapagaling pa sa operasyon.

Ang Alas Pilipinas Men, sa kabilang banda, nasa Candon City na para sa 4th Men’s SEA V Cup sa Hulyo 15-19.

Giniit ng FIVB ang pagsunod ng pederasyon sa mga liga at stakeholder ng bansa na kasalukuyang National Team Season – Women’s sa Mayo 4-Oktubre 4 at Men’s buhat sa Mayo 18-Oktubre 18 – at ang League Season – Babae sa Okt. 5, 2026-Mayo 2, 2027 at Lalaki sa Okt. 19-Mayo 16 ng susunod ding taon. (Abante Tonite Sports)