Abante Tonite Interactive

Jillian lalayasan ang Kapuso?

By
2,684

Ang dating child star na si Jillian Ward ay ganap nang teenager ngayon. Present ang dalagita sa blessing ng Abante TONITE, TNT, at Abante. Naghandog pa siya ng dalawang kanta sa naturang event at marami ang bumilib kay Jillian.

Hindi lang pala sa acting magaling ang 13-year-old na Kapuso teenstar, kundi pati sa kantahan din. Nabanggit sa amin ni Jillian na wish niyang maging recording artist din. “Bukod po sa dream kong maging Dyesebel… wish ko rin po na magkaroon ng album. Pero depende pa rin po sa GMA kung ano po ‘yung gusto nilang path sa career ko, nagtitiwala naman po ako sa kanila,” wika ni Jillian.

Kailan ba matatapos ang kontrata niya sa GMA?
Sagot niya, “By 2020 po, two years pa po. So, kapag 15 na po ako, tapos na. Pero ‘yung Artist Center, October po this year ay tapos na.”

So anong plano, magre-renew ba siya?
“Ewan ko lang po kay papa, baka may pinaplano po sila papa na medyo… hindi ko lang po alam kay papa, baka mayroon po siyang mga desisyon na hindi magugustuhan ng iba, pero makakabuti naman po sa akin,” sagot pa ni Jillian.

Ayon naman sa father niyang si Daddy Elson, “Stay na lang sila sa GMA kahit marami ang nagsasabi na mas maganda ang magiging career niya sa ABS, mas sisikat daw. Kaso, masyadong maraming artista doon, mahirap ang labanan. Dito (GMA-7), sa age ni Jillian ay parang siya ‘yung nasa top at siya ang next kina Bianca Umali at Barbie Forteza. Kaya baka sa GMA-7 na rin siya tatanda,” deklara niya.

Samantala, inusisa rin namin si Jillian kung sinong mga artista ang gusto niyang makasama sa pelikula.

Saad niya, “Isa na roon si Coco Martin po. Siyempre po Coco Martin, is Coco Martin, ‘di ba po? Sa TV at pelikula, humahataw siya. Minsan po kasi nanonood din po talaga ako ng ‘Probins­yano’. ‘Tsaka alam ko rin po, parang siya rin po nag-aano ng story du’n, eh. So, iba po talaga siya.”

Dagdag pa ni Jillian, “Sina Vice Ganda po, si Awra, gusto ko rin silang makatrabaho sana sa pelikula. Kasi siyempre po, ibang klaseng comedian naman po si Vice Ganda. ‘Di ba po, parang siya po talaga ‘yung top comedian ngayon? ‘Tsaka po ‘pag pinapanood ko po ‘yung movies niya, like ‘yung ‘Girl, Boy, Bakla, Tomboy’… nakakatawa po talaga, eh.”

Bakit si Awra? Okay ba sa kanya na tomboy siya tapos bading si Awra?
Nakatawang reaction ni Jillian, “Ay puwede po ‘yun! Siyempre po kasi, ‘di ko pa po nata-try ‘yung tomboy na role, ‘yung comedy po. Kaya sa tingin ko nakakatawa po ‘yun. At saka si Awra po nakakatawa po siya, eh,” lahad pa niya. ()