Abante Tonite Interactive

Jinggoy hindi naghiganti sa pamilya Aquino

By
3,603

MADIIN naming sinasang-ayunan ang naging pahayag ni Kris Aquino na hindi benggador ang pamilya Estrada. Totoong-totoo ang sinabi ng aktres-TV host dahil kung mapagtanim ng galit ang pamilya ay siguradong binabakbakan na ngayon ni dating Senador Jinggoy Estrada ang kanyang kapatid na dating pa­ngulo.

​Napakahaba ng kakaining espasyo sa aming kolum kung babalikan pa natin ang kuwento kung bakit napiit nang halos tatlong taon as PNP Custodial Center ang aktor-pulitiko. At kung bakit hanggang ngayon ay hindi pa rin nabibigyan ng pagkakataong makapagpiyansa si dating Senador Bong Revilla.

​Bulag at bingi na lang ang magsasabing walang kamay ang kapatid ni Kris at ang mga kapartido nito sa pagdidiin sa magkaibigang senador.

​Pero sa kabila nu’n ay hindi nakatikim ang sinuman sa pamilya ni Kris ng paghihiganti ng pamilya Estrada. Wala tayong narinig mula kay dating Senador Jinggoy mula nang makapagpiyansa ang aktor-pulitiko.

​Mapagpahalaga kasi sa pinagsamahan ang pamilya, inaanak sa binyag ni Kris si Vice-Mayor Janella Ejercito, kaya nagkawindang-windang man ang buhay-pulitika ni dating Senador Jinggoy ay walang bumalik na bato ng paghusga at paghihiganti sa pamilya ni Kris. Nagpakatotoo lang si Kris nang purihin niya ang pamilya Estrada, siya na mismo ang nagsasabing may mga kaalyado nu’n ang kanyang kuyang dating pangulo, pero nang mabaklasan na ito ng kapangyarihan ay kakaunti na lang ang natirang tapat sa kanilang pamilya.

​Gasuntok na nga lang ang ating puso ay kakargahan pa ba naman natin nang sangkatutak na galit at paghihingati? Umiikot naman ang gulong ng buhay, nagbabago ang sitwasyon, ang mga makapangyarihang nasa poder nu’n ang kinakasuhan naman ngayon.

Mylene inireklamo si John

KAILANGANG maging maingat si John Estrada sa pagbibitiw ng mga komento laban sa mga manunulat na naglalahad ng kuwento tungkol sa na­ging malaking problema nila ni Mylene Dizon sa set ng “The Good Son.”

​Eksakto man o hindi ang inilabas na balita ng reporter ay maaari niya namang sagutin ‘yun sa paraang makatao. Hindi niya kailangang tawa­ging ogag (read: gago) ang manunulat. Sa ganyang sitwasyon natin maihihiwalay ang mga personalidad na kontrolado ang kanilang emosyon sa paghawak ng kontrobersiya at sa hindi nag-iisip at padalos-dalos.

​Pagpansin ng mga tumututok sa serye ay kumambiyo ang istor­ya dahil hindi na pala nagre-report sa taping si John. Kalat na kalat na ang kuwento tungkol sa nangyari sa kanila ni Mylene Dizon, kahit ang mga kasamahan nila sa “The Good Son” ay may malalim na alam sa senaryo, at siguradong alam din ni John kung ano ang naganap.

​Magaling na aktor si John Estrada, walang kukuwestiyon sa kanyang talento, marami talaga siyang pinakakain ng alikabok d’yan sa linya ng pag-arte. Pero hindi naman du’n lang nagsisimula at nagtatapos ang mga papuri sa isang mahusay na personalidad.

​Masusubok ang kanyang pagkatao sa pagharap sa mga kontrobersiya na bahagi ng kanyang trabaho. Kahit pa nasaktan siya sa lumabas na balita, ang kanyang panig ay maipaliliwanag niya sa paraang wala siyang pinepersonal, lalo na’t wala namang malisya ang nagsulat na wasakin siya at ang kanyang imahe.

​Dahil sa pormal na reklamong ipinadala ni Mylene Dizon sa pamunuan ng ABS-CBN ay balitang lumundag na sa GMA-7 si John Estrada. Isang reliable source ang nakapagsabi sa amin na nakaplantilya na ang gagawin niyang serye na pagbibidahan ni Alden Richards.