Abante Tonite Interactive

Jinggoy napundi kay Zamora: Walanghiya ka, walang puso!

7,054

Malayo pa man ang 2020 elections, ramdam na ang init ng pulitika sa San Juan matapos kastiguhan ni dating Senador Jinggoy Estrada si Mayor Francis Zamora dahil sa balak ng huli na pigilang makapasok ang rolling store na proyekto ng kanyang anak na si Janella sa gitna ng umiiral na enhanced community quarantine.

Sa kanyang Facebook page, nagalit si Estrada nang malaman nito inutusan umano ni Zamora ang lahat ng kapitan ng barangay ng lungsod na pigilan ang pag-ikot ng rolling store ni Janella sa kanilang lugar.

“Tinawagan mo pa ang mga barangay captain na huwag papasukin ang truck ng anak ko para magbenta sa rolling store. Ganyan ka ba kawalang-hiya ha mayor?” pahayag pa ng pikon na pikon na si Estrada.

“Kahit wala kami sa pwesto gusto naming tumulong at walang makapagpigil sa amin na tumulong sa aming mga kababayan,” pasaring pa nito kay Zamora.

Si Zamora ang tumalo sa anak ni Jinggoy na si Janella na dating vice-mayor sa mayoralty race ng San Juan City noong 2019 elections.

Ayon pa kay Estrada, na naging mayor ng lungsod bago nag-senador, na bagong sulpot lang umano si Zamora sa San Juan at hindi ito dapat umastang parang pagmamay-ari na nito ang siyudad.

“Bagong salta ka lang dito sa San Juan at huwag umasta na ikaw ang may-ari ng San Juan. Kami matagal na dito sa San Juan, dito na kami tinubuan ng tahid, eh ikaw?” tanong pa ng dating senador.

“Ako laking kalye ako kahit sa Greenhills ako lumaki. Ikaw, nasubukan mo na bang lumaki sa kalye? Gumising ka, lumabas ka sa lungga mo, di yung pa-interview ka ng pa-interview, wala ka namang ginagawa,” sambit pa nito.

“Bagong salta ka lang, akala mo sobra sa kayabangan mo. Anong klaseng malasakit meron ka dito sa San juan?” dugtong pa nito.

Ang rolling store ay proyekto ni Janella sa San Juan kung saan mag-iikot sa iba’t ibang barangay at magbebenta ng mga iba’t ibang uri ng paninda sa presyong mababa.

Ayon pa kay Jinggoy, pinagsabihan din umano ni Zamora ang mga barangay captain na huwag gamitin ang mga tao ng barangay sa nasabing programa ng dating bise alkalde.

“Sige mayor ihinto mo, tingnan natin. Talagang pinahihirapan mo, talagang wala kang puso. Pinagsabihan mo pa ang market master, mga tindera na huwag sasama sa rolling para magbenta, ganyan ka ba kawalang hiya? Wala kang puso!” ani Estrada.

”Masyado mong pinupulitika! Wala akong ambisyong bumalik sa pagka-mayor dito sa San Juan. Kapal ng mukha mo! G***. Walang makakapigil na tumulong sa aking mga kababayan, ” himutok pa ng dating senador.

Dahil dito, sinabi ni Estrada na simula ngayon, magiging kalahati ang presyo ng mga tinda ni Janella. ”Kung P220 ang kilo ng baboy, P110 na lang” pangako pa nito.

Samantala, nang kunan ng reaksyon si Mayor Zamora sa text message, sumagot ito na: “I Haven’t watched the video. I’m completely focused on San Juan’s battle vs Covid-19. I will just refer the matter to my lawyers.” (Dindo Matining/ Vick Aquino)

Tonite – Wendys Inhouse Ad