Abante Tonite Interactive

Jinggoy tinabla ni Koko

1,603

Itinanggi ni Se­nate President Aquilino “Koko” Pimentel III na may negosasyon sila kay dating Senador Jinggoy Estrada upang maging bahagi ng senatorial line up ng PDP-Laban para sa 2019 Midterm elections.

Sinabi ni Pimentel na walang katotohan ang pahayag ni Estrada na inalok siya ng isang miyembro ng PDP-Laban para mapabilang sa kanilang mga kandidato.
“Not true,” pahayag ni Pimentel sa Senate media.

Una na ring sinabi ni Estrada na mas nanaisin niyang magkaroon ng koalisyon ang Partido ng Masang Pilipino (PMP) at PDP-Laban para sa halalan.

“There are no negos (negotiations) going on. Nothing. Nada. Hence what can I say???” pahayag pa ni Pimentel nang tanungin kung bukas sila sa koalisyon sa PMP.

Sa naunang pahayag ni Estrada, kinumpirma nito na kakandidato siya sa ilalim ng admi­nistration ticket o maaari rin itong tumakbo bilang independent.

Sinabi pa ni Estrada na hindi si Pimentel ang nakausap niya hinggil sa planong pagpasok niya sa line-up ng PDP-Laban.

Binanggit naman ni House Speaker Pantaleon Alvarez na si Pangulong Rodrigo Duterte, bilang chairman ng PDP-Laban, ang siyang magpapatibay kung sino ang dapat makasama sa senatorial line-up ng administration party.

“…ang may final na ano naman diyan na pag-a-approve o magdi-dictate ay ‘yung ating Pangulo bilang chairman ng partido. Kasi siya din po yung isa sa mga mag-e-endorse ng mga kandidato ng administrasyon sa Senado,” pahayag ni Alvarez.