Abante Tonite Interactive

Jinx na aktres alangan kay BF actor

0 560

Kailangang turuan ng kanyang boyfriend na aktor ang isang female personality na ewan kung natatakot sa tao sa sobrang pag-iwas kapag may gustong makipag-selfie sa kanya.

Matagal nang ganu’n ang pagpansin sa babaeng personalidad, wala siyang ka-PR-PR, mabuti na lang at nagkakasundo sila ng kanyang boyfriend na magiliw sa mga fans.

Kuwento ng aming source, “Dati na siyang deadma! Nu’n nga, e, dinadaan-daanan lang niya ang mga reporters! Kapag may nagsabi sa kanya na mga press people ang dinedma niya, e, bigla siyang babalik!

“Magkukunwari siyang busy nu’ng dumaan siya sa harap ng mga reporters kaya hindi niya napansin ang grupo. Bigla siyang bait-baitan, plastikada talaga ang girl na ‘yun!” naiinis na kuwento ng aming impormante.

Baligtad sila ng kanyang karelasyong aktor, sagana ito sa pakikipagkapwa-tao, matindi ang kanyang PR kaya kailangan nitong bahaginan ang kanyang girlfriend na walang pakialam.

Sabi uli ng aming source, “Fresh na fresh lang ang kuwentong ito, umalis sila ng BF niya para magbakasyon, sa ibang bansa sila magpapalipas ng Holy Week.

“Natural, nilapitan sila ng mga kababayan natin sa airport, humihiling ng selfie ang mga lumapit sa kanila. Walang problema ‘yun sa male personality, mapagpahalaga siya sa mga faney!

“Klik! Klik! Klik! Ang bait-bait nga naman ng male personality, marunong siyang magpasalamat sa mga kababayan natin, pero teka, nasaan naman ang girl na kasama niya?

“Ayun! Lumayo pala siya sa grupo ng mga faney, ang boyfriend lang niya ang nakipag-selfie, wala siyang pakialam kung masabihan man siyang maldita!
“Bakit pa nga naman siya maaapektuhan, sabihan man siyang suplada, e, talaga namang may attitude ang hitad na babaeng ‘yun!

“Naku, kung hindi pa flop ang mga ginagawa niyang pelikula, ‘no! Jinx nga ang tawag sa kanya, ‘di ba? Maldita talaga ang babaeng ‘yun! Rolyohan sana siya ng boyfriend niyang magiliw at mabait sa mga fans!” nakairap na pagtatapos ng aming source.
***

Willie kinidnap ang mga kasamahan sa show

Kapag bakasyon ay si Willie Revillame lang yata ang artistang hindi problemado kung saan siya magpapalipas ng mga araw. Pipili lang siya kung saan, wala siyang babayaran, siya kasi ang may-ari ng lugar.

Pero hindi siya magpupunta nang siya lang, kaila­ngang kasama ni Willie ang kanyang staff sa Wowowin, kinikidnap niya talaga ang kanyang mga kasamahan sa show para makasama niyang magbakasyon.

May sarili siyang eroplano, meron din siyang yate, wala ka nang hahanapin pa kapag si Willie ang promotor sa pagbabakasyon.

Ang madalas niyang puntahan ngayon kasama ang kanyang staff ay ang nabili niyang propyedad sa Mindoro. Ilang buwan na niyang ipinaayos ang lugar, pagkaganda-ganda na ng kapaligiran, siya mismo ang namamahala sa pagpapagawa.

Pero ang nakakatawa, kahit pa sagana sa food ang kanyang staff ay napakasimple pa rin ni Willie, meron siyang paboritong brand ng sardinas na hindi na lang namin babanggitin ang pangalan.

Marami siyang stock nu’n sa kanyang bahay, kailangan ding may dala-dala siya ng sardinas na ‘yun sa kanyang pagbabakasyon, ewan kung ano ang lasang nakita niya sa brand na ‘yun para magkaganyan siya.

Sabi ng kababayan naming bestfriend ni Willie, “Hindi siya nagbabago, para pa rin siyang isa sa amin hanggang ngayon. One of the boys pa rin siya kahit pa sikat na siya at super-yaman.

“Kami-kami pa rin palagi ang magkakasama, pinaluluwas niya kami, hindi siya nakalilimot sa mga dati niyang kaibigan. Dahil sa ugali niyang ganu’n, e, hindi ka mahihiyang tumabi sa kanya.

“Kapag magkakasama kami, e, parang wala lang, parang hindi siya sikat na artista, parang hindi siya milyonaryo, parang ka-level lang namin siya,” pahayag ni Efren Ciyap na kababata ng Kuya Wil ng buong bayan.