Abante Tonite Interactive

JM De Guzman kinasuhan ng frustrated murder

3,064

Sinampahan na ni Pitt Norman Zafra ng Cubao, Quezon City ang Kapamilya actor na si JM de Guzman ng umano’y kasong frustrated murder. Ito’y dahil sa pambubugbog umano ng aktor sa biktima na umabot sa muntik nang pagkamatay nito.

Ayon sa sinumpaang salaysay ni Norman, kasama ni JM nu’ng gabi na siya’y binugbog ang isang MMA fighter and fitness coach na si George Castro.

“May 7, 2019 ‘yon, nu’ng nag-dinner kami ng aking common-law spouse sa Flying House Restobar nang nakita namin du’n si JM (de Guzman). Being a fan, kinausap namin ng wife ko si JM at tinanong namin siya kung puwede ba kaming magpa-picture with him. Pumayag naman si JM pero na-realize ko na naiwan namin ang mga cellphones namin sa sasakyan.

“Ilang saglit pa out of curiosity, tinanong ko si JM in jest nang, ‘Sir, ano ba’ng pakiramdam ng guwapo araw-araw?’

“Agad naman siyang sumagot and sabi niya, ‘Kanina ko pa rin sanang gustong itanong sa ‘yo ‘yan, e.’ After nu’n, e, pareho lang kaming nagtawanan ni JM,” sabi pa ng biktima.

Ilang oras pa ang nakalipas ay napansin daw ni Pitt na nakatitig sa kanya si JM habang may binubulong sa kanyang kasamang si George. Sumunod nito, bigla na lang diumanong sinipa ni JM ang isang upuan at ang kasama niyang si George ay lumapit sa kanya.

“Are you fucking with us?” tanong sa kanya ni George na sinagot niya ng hindi. “If you don’t leave, I will fuck you both,” dagdag pa raw ng kasama ni JM.

Paalis na raw sana ng restobar sina Pitt at ang kanyang kasama nang bigla diumano ay sinuntok siya umano sa mukha ni George. Agad na bumagsak si Pitt at saka naman daw lumapit si JM at sunod-sunod daw siyang sinuntok at sinipa.

Ayon pa sa salaysay ni Pitt, sa pagkakataon na ‘yon ay hindi na siya makahinga dahil sa pag-atake umano sa kanya nina JM at George. At nang hindi na raw makagalaw si Pitt ay binuhat daw siya ni George at ibinagsak sa labas ng restobar na patuloy pa rin daw siyang sinasaktan ni JM.

“Nawalan ako ng malay nu’ng mga oras na ‘yon kaya dinala ako ng kasama ko sa East Avenue Medical Center at saka namin ni-report ang nangyari sa QCPD 9,” ayon pa sa biktima.

Sa ngayon ay isinampa na sa Quezon City Regional Court ang kasong frustrated murder laban kina JM at sa kasama nitong si George na sinasabing may plano umanong lumabas at mangibang bansa.

Habang isinusulat ito ay kinukunan ng side si JM at ang pamunuan ng Star Magic. Wala pang ipinapadalang official statement.

Pero bukas ang pahina ng Tonite sa panig ng aktor at ni George para sa ikakalinaw ng isyu.