Abante Tonite Interactive

JM de Guzman nanadyak ng kustomer sa resto bar

723

Inireklamo ng isang real estate broker ang isang aktor at kasama nitong foreigner matapos umano siyang pagtulungang bugbugin sa loob ng isang Resto Bar sa Quezon City, nitong Martes nang gabi.

Kinilala ni P/Capt. Juan Mortel, ng Criminal Investigation and Detection Unit ng Quezon City Police District (CIDU-QCPD) ang biktimang si Pitt Norman Zafra, 35-anyos, binata, real estate broker at taga-No. 44 Saint Mary St., Brgy. E. Rodriguez, Cubao, QC.

Pinaghahanap naman pulisya ang tumakas na aktor na si JM De Guzman, ng ABS-CBN, at kasama nitong isang foreign national. Si JM, (Juan Miguel Gob de Guzman sa tunay na buhay), ay isang ‘mixed martial artist, model at singer, at exclusive talent ng Star Magic. Ilan sa kilalang mga nakarelasyon nito ay sina Barbie Imperial at Jessy Mendiola.

Sa inisyal na imbestigasyon ni P/SSgt. Genaro Diego, ng CIDU-QCPD, ang insidente ay naganap dakong alas-8:45 nang gabi (May 7) sa loob ng Flying House Resto Bar sa 10-B Malingap St., Brgy. Teachers Village West, QC.

Ayon sa mga nakasaksing kostumer sa Resto Bar, nakita umano nilang tumayo at pinuntahan ng foreigner na kasama ni JM ang biktima sa table nito at sa hindi malamang dahilan ay sinuntok ito sa mukha sa harap ng live-in partner na si Madel Bermudez.

Sumunod na lumapit ang aktor sa table ng biktima suba­lit sa halip na awatin ang kasama ay tinad­yakan pa umano nito sa likuran si Zafra at pagkatapos ay sabay na lumabas ng resto bar ang dalawa.

Dinala naman ni Bermudez ang biktima sa East Avenue Medical Center upang ipagamot ang tinamong mga sugat at pasa sa katawan.

Iniimbestigahan ngayon ng pulisya kung ano ang sanhi ng pambubugbog ng mga ito sa real estate broker. (Dolly Cabreza)