Abante Tonite Interactive

JM ginawan ng masama si Barbie

927

Ganadong tsumika si Barbie Imperial nang tumeybol ito sa amin sa 40th birthday party ni Ara Mina nu’ng Thursday night.

Umupo ito sa harap namin at sinagot lahat ng mga tanong namin.

Kontrobersyal ‘yung tweet niyang “Once a liar, always a liar” na inamin niya sa interview ni Tito Boy Abunda na patungkol kay JM de Guzman.
Wala bang nag-text sa kanya after that?

“Naka-block! Ha! Ha! Ha!” tawa ni Barbie, na ang tinutukoy ay si JM.

Katwiran ng 20-anyos na Kapamilya actress, kung ite-text siya na alam niyang wala siyang kasalanan, iba-block na lang niya. Kasi, ayaw rin daw niyang nagsasalita ng masama lalo na kung galit siya. So, block na lang.

May mga nanghihinayang sa friendship nila ni JM, pero ang sabi ni Barbie, kilala raw siya nito na hindi siya puwedeng biglain dahil ayaw niya rin na hindi sila okey, tapos ay bigla silang magiging okey dahil lang may isyu.

“At saka mahirap po talaga, eh. Kasi, hindi po talaga… as in wala. Hindi ko ma-explain, pero hindi talaga click, eh!” pakli ng dalaga.

Ani Barbie, ‘pag hindi pa siya okey ay ayaw niyang ipilit dahil ang gusto niya ay kaya niyang kausapin at tingnan sa mata ‘yung tao, na okey talaga sila.

At saka para alam din daw nito na kung gagawa ito ng masama, eh hindi ganu’n kadaling makipag-ayos.

Ano ba talaga ‘yung masama na ‘yon na ginawa sa kanya ni JM? At gaano kasama ‘yon na hindi niya mapatawad si JM?

“Ha! Ha! Ha! Ang gagaling n’yo po, ha?” tawa niya.

“Ang hirap kasi, eh. Basta, masama. Ako naman, aminado naman ako na hindi ako naging perfect na ano sa kanya, may mga nagawa rin naman ako.”

Hindi siya naging perfect na ano? Girlfriend?

“Na wala nga, eh. Kasi, hindi naman naging kami, eh. Hindi po talaga. I swear, hindi!”

Pero sinubukan nila pareho, ‘di ba?

“Sinubukan po, pero hindi naman po ako puwedeng um-oo dahil lang in love kami. Kailangan, swak kami sa isa’t isa.

“Lalo sa akin, gusto ko lang na ‘pag boyfriend talaga, ‘yung matagal naman. Hindi ‘yung parang alam ko na malabo, gusto ko lang magka-label. Hindi ako gano’n.

“At ako rin naman, kahit dating lang po, iba pa rin sa akin ‘yung dating, eh. Usually, ‘yung iba, maraming dini-date, papalit-palit. Para sa akin, iba pa rin siya.”
***

JuanBie malabong magkatrabaho

Ayon kay Barbie, alam niyang hindi pa ready si JM, so hindi niya ipipilit dahil lang gusto niya na magkaroon sila ng label.

Alam niya raw ang pinagdaanan nito at alam niya rin kung paano ito mainlab before na ibinibigay nito ang mundo nito sa babaeng mahal nito.

Inamin sa amin ni Barbie na nainlab din siya kay JM. As in totoong inlab. Kaso ay nagpi-fade daw ‘yung love na ‘yon kapag may mga nangyayari.

“Before kasi, hindi talaga ako naniniwala na bigla-bigla na lang nagpi-fade ‘yung love. Until nangyari siya sa akin na parang, ‘Whoah!’ ‘Pag napuno pala talaga ang tao, bigla na lang wala na, parang gano’n,” may hugot na sambit ni Barbie.

Hindi raw siya nanghinayang sa nangyari dahil naniniwala siya na kung nilalayo ka ni God sa isang tao o isang bagay, sine-save ka Nito at ibig sabihin ay hindi para sa ‘yo ang tao o bagay na ‘yon.

“Lahat ng nangyari sa life ko, ang dami ko na pong pinagdaanan. Dyusko, hindi lang ‘yun ang pinakamasakit. Kumbaga, sa akin, wala pa ‘yon. Okey ako, super. Happy po ako.”

Actually, okey na raw sila ni JM, eh. Friends na sila, pero may nangyari talaga, at ‘yun ang ayaw niyang sabihin sa amin kung ano.

Hindi raw betrayal ang naganap. Basta, sa kanilang dalawa raw at may kinalaman sa usapan nila.

Hindi rin daw siya sinaktan nang pisikal ni JM dahil hindi raw ito ganu’n. Basta, ibang sakit daw at mananatili raw palaisipan ‘yon dahil hindi niya talaga sasabihin.

Nabanggit din sa amin ni Barbie na sa ngayon ay ayaw muna niyang makatrabaho si JM dahil ayaw niya itong plastikin.

Aniya, makakaistorbo lang daw sila ng ibang tao kung hindi sila ready at galit sila sa isa’t isa ay magtatambal sila. So, huwag na lang dahil mag-aaway lang daw sila.

Mapapatawad din naman daw niya si JM kung hihingi ito ng tawad, pero mainit pa sa ngayon at hindi pa sila nagkikita mula noon.

Sey pa ni Barbie, sobrang talino na ng mga tao ngayon at ramdam nila kung pinepeke sila, so mas okey na raw na maging honest siya kesa mahalin siya ng mga tao na hindi naman siya ‘yon.

Ganu’n man ang nangyari sa kanila ni JM ay nagpapasalamat pa rin si Barbie sa aktor dahil ito raw ang dahilan kaya siya nai-launch sa “Araw Gabi” at marami rin daw itong naituro sa kanya sa akting at sa iba pang bagay.

At dahil doon, kahit gustong-gusto raw niyang magalit kay JM ay hindi niya magawang magalit nang tuluyan sa aktor.