Abante Tonite
Mabilis sa Balita

Jobless mister naburyong, kinatay si misis

0 291

Posibleng dahil sa parehong walang trabaho at sa pagkaaburido sa buhay kaya pinagtataga umano ng mister ang kanyang misis sa iba’t ibang bahagi ng katawan hanggang mamatay ito sa loob ng kanilang tahanan sa Quezon City kamakalawa.

Ang biktima ay nakilalang si Realyn Maglimti Lamban, 27-anyos, tubong Samar, habang naaresto naman ang mister niyang si Ferdinand Suarez Panti, 30, kapwa residente ng Sitio San Roque 2, Bagong Pag-Asa.

Sa report ng CIDU-QCPD, bandang alas-3:00 ng madaling-araw nang maganap ang insidente sa bahay ng biktima.

Batay sa imbestigasyon, narinig umano ng mga kapitbahay na sina Isah at Anisa Mustapha na sumisigaw ang biktima ng “Tulong, tulong, may sunog.”

Makalipas ang ilang minuto ay muling sumigaw ng “Tulong, tulong, sasaksakin ako ng asawa ko,” at dahil sa takot na madamay ay agad na ini-report ng mga kapitbahay sa Project 6 Police Station 15 ang nangyayaring kaguluhan sa nasabing bahay.

Agad rumesponde ang pulisya at doon ay naabutan umano nilang duguan nang nakabulagta ang biktima habang nakatayo sa harap nito ang suspek na may bahid ng mga dugo sa damit habang nasa tabi nito ang bolo na ginamit sa sinasabing pananaga.

Naisugod pa sa East Avenue Medical Center si Lamban subalit idineklara siyang dead on arrival bandang alas-4:37 ng madaling-araw.

Sa piitan, ayaw namang magsalita ni Panti kung ano ang motibo niya sa pananaga sa asawa. (Dolly Cabreza)

Leave A Reply

Your email address will not be published.