Abante Tonite
Mabilis sa Balita

Jobless na-curfew, tigok sa bugbog ng 4 tanod

0 439

Isa na namang lumabag sa curfew ang nasawi sa Calamba, Laguna matapos umanong bugbugin ng mga tanod sa quarantine checkpoints ng Barangay Turbina sa Calamba, Laguna, ayon sa ulat kahapon.

Kinilala ang biktimang si Ernanie Lumban, 26, binata, ng nasabing barangay. Ito ay nasawi dahil sa grabeng pinsala sa ulo at katawan dulot ng pambubugbog umano ng mga tanod.

Napag-alaman na ang biktima ay mula sa Quezon at kakauwi lang nito sa kanyang kapatid sa Laguna upang maghanap sana ng trabaho.

Base sa ulat ng Calamba City police, nitong Abril 9 ay personal na magtungo sa kanilang himpilan si Gledien Jimenez, kapatid ng biktima upang ireklamo ang mga barangay tanod na sina Arjay Bahan Abierta at Joel Oriel Ortiz. Ayon kay Gledien, tadtad ng pasa at sugat sa katawan ang kanyang kapatid at basag din ang bungo nito.

Sa imbestigasyon, alas-11:00 ng gabi nitong Abril 7 nang masita ang biktima sa paglabag sa curfew ng mga quarantine personnel ng Purok 2, Barangay Turbina matapos itong bumili ng pagkain.

SM SuperKidsDay Banner Ad

Matapos umanong makuha ang pangalan ng biktima, nagpaalam ito na lalabas para umihi subalit nagalit ang mga tanod sa pag-aakalang ito ay tatakas. Sa takot ng biktima ay napatakbo ito at doon na binugbog hanggang mawalan ng malay tao.

Isinugod sa pagamutan si Ernanie subalit binawian din ng buhay makaraan ang ilang araw.

Napaulat na apat na tanod umano ang bumugbog, dalawa sa mga ito ay nagtatago na.

Hustisya ang sigaw ng pamilya dahil sa hindi makataong ginawa ng mga tanod. Masama din ang loob ni Gledien sa Calamba Medical Center dahil hindi daw sila tinanggap sa pagamutan.

Ito na ang ikalawang insidente ng pagkamatay ng nahuling curfew violator. Unang kaso ay nitong Abril 1 sa General Trias, Cavite na ikinasawi ni Darren Peñaredondo nang isalang umano sa 300 pumping exercise ng mga pulis dahilan upang magkombulsyon at kalaunan ay nasawi sa ospital. (Edwin Balasa/Ronilo Dagos)

Leave A Reply

Your email address will not be published.