Abante Tonite
Mabilis sa Balita

Jobless nagnakaw ng pinto pambili ng pagkain

0 420

Huli sa pagnanakaw ng pinto ang 31-anyos na lalaki sa Pasay City na nawalan ng trabaho dahil sa COVID-19 lockdown, para may maipakain sa kanyang buntis na asawa.

Nakasandal umano sa labas ng isang printing shop at pagawaan ng motorcycle barrier ang kahoy na pinto na tinangay ng suspek sa West Service Road, Brgy. 201 Huwebes ng gabi.

Isasakay na sana ito ng suspek sa motorsiklong dina-drive ng isa pang lalaki nang mapansin sila ng mga kawani ng shop. Nakatakas ang driver habang dinala naman sa kulungan ang suspek.

Depensa ng suspek, inakala niyang hindi na ginagamit ang pinto kaya kinuha niya na ito para ibenta sa halagang P200 at makabili ng pagkain para sa misis.

Dating construction worker ang suspek pero nasibak dahil sa pandemya, at dapat sana’y uuwi sa Bicol sa ilalim ng nahintong Balik Probinsya program.

Pakiusap ng lalaki sa may-ari ng shop, iatras na ang reklamong theft laban sa kanya. Pinag-iisipan pa ito ng huli na gustong maturuan ng aral ang suspek. (SDC)

Leave A Reply

Your email address will not be published.