Abante Tonite Interactive

Joel Apolinario tinutugis

764

Pinaghahanap na ng mga operatiba ng National Bureau of Investigation (NBI) si Pastor Joel Apolinario matapos ipag-utos ni Pangulong Rodrigo Duterte ang pagpapasarap sa mga tanggapan ng Kapa Community Ministry International dahil sa pagkakasangkot sa pyramiding o investment scam.

Sinabi ng Pangulo na ang ganitong scheme ay maituturing na swindling o large scale estafa kaya dapat lamang na maparusahan ang mga gumagawa nito.

“On the books, swindling on a large scale, many of them. It is swindling.
And that is called the Ponzi formula. That is the same scheme used by everyone. It’s called pyramiding, but it’s inverted. It starts small and gradually grows larger. They will continue to steal from you, este receive money from you,” pahayag ng Pa­ngulo.

Binigyang-diin ni Pangulong Duterte na may katapat na parusa ang mga sangkot sa swindling o pyrami­ding at kapag hindi nito ipi­natupad ang batas na ginawa ng Kongreso ay baka siya ang mabalikan at makasuhan ng impeachment dahil hindi nito ginawa ang mandato.

Samantala, nakatakdang sampahan ng kaso ng NBI sa susunod na linggo ang mga opisyal ng Kapa.

“Basta ‘yung na-serve namin na search warrants last Monday definitely by next week naka-file na lahat yung corresponding case,” ayon kay NBI National Capital Region Director Cesar Bacani.

Ang mga respondent umano sa kaso ay iyong mga pangalan sa registration, incorporators, board of directors, officer at iba pang indi­biduwal na aktibong kalahok sa operasyon ng Kapa.

DOJ naglabas ng lookout bulletin
Naglabas naman kahapon ng Immigration Lookout Bulletin Order (ILBO) ang Department of Justice (DOJ) laban sa walong incorporator at walong opisyal ng Kapa ganundin sa tatlong opisyal ng Alabel-Maasim Credit Cooperative (ALAMCCO).

Kabilang sa mga Kapa incorporator na nakalagay sa ILBO ay sina Pastor Apolinario, Nonita S. Urbano, Junnie G. Apolinario, Nelia V. Nino, Maria Pellea B. Sevilla, Jouelyn A. Del Castillo, Cristobal R. Barabad, at Joji A. Jusay.

Kabilang naman sa mga Kapa officer na nilagay sa ILBO ay sina Pastor Apolinario, Reyna L. Apolinario, Modie S. Dagala, Benigno D. Tipan Jr., Marnilyn M. Maturan, Ricky A. Taer, Joji A. Tusay, at Margie A. Danao.

Inilagay din sa ILBO ang tatlong opisyal ng ALAMCCO na sina Jerson A. Cagang, chairman; Cynthia A. Gomeri, corporate secretary; at Ailene D. Mancoa, chief finance officer. (Aileen Taliping/Juliet de Loza-Cudia)