Abante Tonite Interactive

Joint reso para sa extension ng Kapamilya franchise kinasa

340

Inihain na sa Kamara ni Cebu Rep. Raul del Mar ang House Joint Resolution No. 28 na layong palawigin ang validity ng franchise ng ABS-CBN hanggang Hunyo 30, 2022. Nakatakdang mapaso ang prangkisa sa darating na Marso 30.

Kasunod na rin ito sa joint resolution na inihain ni Senator Franklin Drilon para sa pagpapalawig ng prangkisa ng naturang TV network hanggang Disyembre 31, 2022.

Sa naturang Joint Resolution No. 28 nakasaad ang pagpapalawig ng Kongreso ng validity ng kasalukuyang prangkisa ng naturang TV network hanggang Hunyo 30, 2022.

Sa pamamagitan umano nito ay matitiyak ang tuloy-tuloy na operasyon ng TV network habang dinidinig ng Kongreso ang renewal ng franchise nito.
Agad namang nai-refer sa House Committee on Legislative Franchises ang joint resolution.

Bilang reaksiyon ni House Majority Leader and Leyte Rep. Martin Romualdez, sinabi nitong ang komite na umano ang magpapasya ukol dito.

“It is now up to the committee chairman and members to decide on how to dispose of the HJR No. 28, whether to prioritize it over a slew of ABS-CBN franchise extension bills filed separately by 11 other congressmen,” ayon kay Romualdez.

Ang nasabing joint resolution ay bukod pa sa 11 nakabinbing panukala na humihiling ng panibagong 25 year congressional franchise ng ABS-CBN network.

Aniya, mas lalong tatagal at made-delay ang diskusyon sa consolidated franchise bill para sa ABS-CBN lalo na’t puno na ang kalendaryo ng komite ni Rep. Franz ‘Chikoy’ Alvarez na legislative franchises.

“I pray that the stakeholders in this issue give the House committee on Legisltive Franchises enough time to deliberate intelligently on the ABS-CBN franchise extension,” sabi pa ni Romualdez. (JC Cahinhinan/Eralyn Prado)