Abante Tonite
Mabilis sa Balita

Jolo 14 araw na-quarantine

0 354

Naging emosyonal si Cavite Vice Governor Jolo Revilla sa kanyang eulogy last Tuesday night para sa lolong si dating Senador/action star na si Ramon Revilla, Sr.

Ayon kay Jolo sa live video update sa Facebook ni Sen. Bong Revilla, sobrang thankful niya nabigyan siya ng opportunity na maging close ang lolo bago ito pumanaw.

“Dahil noong mga bata kami, ayoko namang sabihing trauma, may takot kami kay Daddy Ramon (tawag niya sa lolo). Dahil totoo po, matapang si Daddy. Pagka dumadating ‘yan, ‘yung tindig niya, talagang straight body.

“Dadating siya rito sa bahay, ‘ayan na si boss, ayan na si boss,” sasabihin ni Mommy Zena (ang kanyang lola). So, lahat ng mga anak niya, sasalubong sa kanya. Yung boses, alam mong sobrang strong.

“Pero simula nang nagkasakit siya, kung ano ‘yung ikinatapang niya, ‘yun naman ‘yung kinalambot niya,” paggunita ni Jolo.

Noong May 31 na isinugod sa ospital ang kanyang lolo ay sumama raw siya sa kanyang amang si Sen. Bong Revilla.

“Hindi na ako nagdalawang-isip, kahit walang PPE (personal protective equipment), dumiretso kami ni Papa sa COVID ER (emergency room) dahil gustong-gusto kong makita si Daddy.”

Gumaralgal na ang boses ni Jolo. Patuloy niya, “masasabi ko na isang malaking utang na loob for me (at tuluyan nang napaiyak), karangalang makuha, maibigay ‘yung pangalang Jolo Revilla III.”

Ang totoong pangalan ni Jolo ay Jose Lorenzo Hernandez Bautista III na sumusunod sa ama niyang si Jose Maria Mortel Bautista, Jr (Sen. Bong) na sumusunod naman kay Mang Ramon na Jose Acuna Bautista, Sr in real life.

Dagdag pa ni Jolo, “ibinilin niya (Mang Ramon) sa akin nun’g bata ako, ‘Jolo, alagaan mo ‘yang pangalang ‘yan, ‘yang pagiging III.’”

Jolo revealed na sobrang tuwa niya nang bumuti na ang kalagayan ng kanyang lolo kahit pa nga na-quarantine raw siya for 14 days dahil sumugod sila sa ospital at napasok sa emergency room ng COVID-19 patients.

“Pero Daddy, gusto ko lang malaman mo, wala po akong pagsisisi kahit ma-quarantine pa po ako ulit, gagawin ko, basta para sa inyo,” ang mensahe ni Jolo sa kanyang lolo.

Ginunita rin niya nang sabihin daw niya sa lolo na magpapakasal na sila ni Angelica Alta.

“Ang sabi lang ni Daddy, ‘basta Angel, aalagaan mo si Jolo, ha?’ Nagulat ako dahil sa loob ko dapat ako ang mag-aalaga kay Angel,” natatawang sabi ni VG Jolo.

Bilang pagtatapos ay sinabi ng aktor/politiko na mahal na mahal niya ang kanyang lolo at hindi raw niya kalilimutan ang mga naituro nito sa kanila.

Leave A Reply

Your email address will not be published.