Abante Tonite Interactive

Joma ‘di aarestuhin ‘pag umuwi sa peace talk

261

Tiniyak ng Malacañang kay Communist Party of the Philippines (CPP) founding chairman Jose Maria Sison na hindi ito aarestuhin sakaling umuwi sa Pi­lipinas para sa muling pagbubukas ng usapang pangkapayapaan sa pagitan ng gobyerno at mga rebeldeng komunista.

“Hindi naman sila aarestuhin. At iyan naman ay pinapangako ni Presidente. Sususpendi­hin ang lahat ng mga pending warrant of arrest laban sa kanila kung may pag-uusap,” sabi ni Presidential Spokesman Salvador Panelo sa pa­nayam sa radyo.

Inanunsyo noong Huwebes ni Pangulong Rodrigo Duterte na kanyang ipadadala si Department of Labor and Employment (DOLE) Secretary Silvestre Bello III sa The Netherlands para mu­ling buksan ang pakikipag-usap kay Sison.

Ayon kay Panelo, hindi pa isinasara ng Pa­ngulo ang pintuan para sa usapang pangkapaya­paan sa mga rebeldeng komunista dahil nais nitong mapabuti ang peace and order situation ng bansa bago siya bumaba sa puwesto sa 2022.

“Ganyan palagi ang sinasabi niya. Palagi siyang nakabukas. Merong ajar, merong maliit na bukas sa bintana o sa pintuan. Kasi alam mo ang Presidente, pareho lang ng lahat ng Pilipino. Ayaw nila ng himagsikan, rebolusyon­, rebellion. Ayaw nila ng magulo, ayaw nila ng patayan. Lahat tayo gusto natin ay kapayapaan,” sabi ni Panelo.

Matatandaang noong Agosto 28 ay nag­labas ng arrest order ang Manila Regional Trial Court laban kay Sison at 37 iba pa para sa 15 counts of murder na isinampa laban sa kanila dahil sa pagkakasangkot diumano sa Inocapan massacre sa lalawigan ng Leyte noong 1980s na ibinibintang sa New People’s Army (NPA). (Prince Golez)