Abante Tonite Interactive

Jones masama ang ugali — Alas

330

Sa punto ni Phoenix Pulse coach Louie Alas, may ‘attitude’ talaga si TNT import Terrence Jones.

Sa pangalawang pagkakataon sa PBA Commissioner’s Cup, napagmulta ang dating player ng Houston Rockets­ dahil sa pagkanti sa mga kalaro.

Huling biktima ni Jones si LA Tenorio sa laro ng KaTropa at Ginebra noong June 12. Sinikmuraan ni Jones si Tenorio, gumanti ang playmaker at binigyan din sa sikmura ang import. Dinamba ni Jones sa balikat si Tenorio para sumadsad.

Napagmulta ng tig-P5,000 sa dalawang insidente si Jones, P5,000 din kay Tenorio. Parehong binabaan ng flagrant foul penalty 1 ang dalawa pagkatapos ng review.

“Ngayon nakita naman natin, si LA binanatan ni Jones,” ani Alas tapos ng ga-buhok na 78-76 win ng Phoenix sa Alaska nitong Sabado. “Meron din talagang ugali.”

‘Di maiwasang tanungin si Alas, dahil ang unang insidente na kinasangkutan ni Jones ay kay Fuel Masters forward Calvin Abueva noong June 2.

Binayagan ni Jones si Abueva, gumanti ng clothesline ang The Beast. Multado ng P50,000 si Jones sa ginawa kay Calvin at P20,000 sa contact sa game official. Si Abueva ay pinagmulta ng P50,000 sa clothesline, dagdag na P20,000 sa verbal altercation. (Vladi Eduarte)