Abante Tonite Interactive

Jones pikunin sa laro!

430

Pikon nga ba si Terrence Jones?

Walang duda na ang TNT reinforcement ang sukatan ng imports sa PBA Commissioner’s Cup ngayon, pero mukhang madaling mainis sa laro ang dating miyembro ng Houston Rockets.

Sa dambuhalang 108-72 loss ng top seed KaTropa sa No. 8 Alaska sa quarterfinals nitong Linggo, gumanti si Jones sa mga nampipikon sa kanya – kay Carl Bryan Cruz.

“’Di naman siya sinasalya o tinutulak, dinidiinan lang. Masyadong pikon,” puna ng isang miron. “Paano na kung noong panahon ng bruisers sa PBA siya naglaro?”

Sa dying seconds ng third quarter, sinalya ni Jones si CBC sa dibdib. Tumiklop ang Aces forward, namilipit sa sakit. Pumito ng flagrant foul 1 ang referees.

Naupo si Jones, ‘di na binalik sa laro. Paglabas niya, naiwan sa 89-60 ang TNT tapos ng three.

“’Di ko rin alam kung bakit niya ako tinulak, eh,” ani Cruz paglabas ng dugout ng Smart Araneta Coliseum. “Malakas nga … sa chest. Parang na-choke nga ako konti.”

Ganado si CBC na siya ang tinoka ni coach Alex Compton na mambulabog sa isa sa pinakamatikas na import sa kasalukuyan.

“Gaganahan ka talaga depensahan, kumbaga once-in-a-lifetime, it’s an honor for me na bantayan siya,” dagdag ni Cruz, nagsumite ng 11 points mula sa 7 of 8 free throw shooting at may 8 rebounds. “Tsaka best import siya sa liga natin, gagawin ko lahat para sa team namin.”

‘Di aniya biro ang trabahong binigay sa kanya.

“Sobrang laki niya, saka ang dami niyang moves, eh,” panapos ni Cruz.

Nagkasya lang si Jones sa 19 points – mababa ng 14 sa kanyang average – mula 6 of 13 shooting, may 6 rebounds at game-worst 7 turnovers sa loob ng halos 33 minutes.

Nasagad ang twice-to-beat edge ng TNT, winner-take-all sa Miyerkoles sa Big Dome rin. (Vladi Eduarte)