Abante Tonite Interactive

Jordan Clarkson ‘di pinayagan ng NBA sa Asian Games

Tagawagayway!

By
1,740

Dismayado si Fil-Ame­rican Jordan Clarkson dahil hindi nakakuha ng kinakailangang clearance mula sa National Basketball Association (NBA) upang makasama at makalaro sa Gilas Pilipinas na sasabak sa 18th Asian Games 2018 na gagawin sa Palembang at Jakarta, Indonesia.

Napag-alaman sa mga opisyales na hindi nabigyan ng permiso para makapag­laro para sa Pilipinas ang 26-anyos na si Clarkson sa Agosto 18 hanggang Setyembre 2 na dribolan bagaman aprubado naman itong sumabak para sa pambansang koponan sa gaganapin na ikatlong window ng FIBA World Cup Asian Qualifying.

Bagaman dismayado na hindi makalaro para sa Gilas Pilipinas ay nakatakda pa rin na makasama ng pambansang koponan ang miyembro ng Cleveland Cavaliers na si Clarkson sa Jakarta, Indonesia upang suportahan ang buong Team Pilipinas at magsilbi bilang lider at flag bearer ng bansa sa kada apat na taong multi sports na kompetisyon sa buong rehiyon ng Asya.

Una nang binigyan ng go-signal ng Indonesian Asian Games Organizing Committee (INASGOC) si Clarkson para makalaro sa Pilipinas subalit hindi naman ito nakalusot sa polisiya ng NBA.

Mismong si Team Pilipinas Chef de mission Richard Gomez ang nagbalita sa pagpa­yag ng INASGOC sa pagdalo nito sa eligibility deliberation sa Delegation Registration Meeting (DRM) ng buong 14 na koponan na sasabak para sa basketball competition ng pangrehiyong torneo.

Dahil sa hindi pagpayag ng NBA sa paglalaro ni Clarkson ay pupunuan na lamang ni national coach Yeng Guiao ang inireserba nitong silya para kay Clarkson sa isinumite nitong lineup.

Ang ibang miyembro ng koponan ay sina Magnolia guard Paul Lee, NorthPort slasher Stanley Pringle, San Miguel center Christian Standhardinger, Blackwater big man JP Erram, at ang bumubuo sa Rain or Shine na sina Gabe Norwood, Chris Tiu, James Yap, Beau Belga, Raymond Almazan at Mave­rick Ahanmisi.

Mula sa inisyal na 14 ka­taong pool ay pipili si Guiao kung sino ang ilalagay sa puwesto ni Clarkson sa pagitan ng mga nakareserba na sina Don Trollano ng TNT KaTropa at Gilas cadets Ricci Rivero at Kobe Paras.