Abante Tonite Interactive

‘Jordan’ mamahalin na ng Utah Jazz

520

Noong mga huling taon ng dekada ’90 ay kinamumuhian ng Utah Jazz si Michael Jordan at ang Chicago Bulls, dahil sa pagpigil nito na magkaroon ng kampeo­nato ang franchise ng dalawang sunod na taon.

Sa kanilang paghaharap noong 1997 at 1998 NBA Finals, parehong dalawang laro lamang ang naipanalo ng Jazz.

Nilampaso sila ni Jordan at ng Bulls at kinumpleto ang kanilang ikalawang three-peat.

Ngayon ay kailangan nang mahalin ng Utah Jazz si ‘Jordan’.
Ngunit ibang Jordan ang kanilang mamahalin, dahil nasa kanila na ang Filipino-American na si Jordan Clarkson.

Mula Cleveland Cavaliers ay napunta na si Clarkson sa Jazz kapalit ni Dante Exum kasama pa ang dalawang future 2nd round pick.

Win-win situation ito para sa dalawang team, dahil ang Cleveland Cava­liers ay nagre-rebuild matapos ang trio nina James-Irving-Love.

Si Kevin Love na lang ang naiwan at napaba­balitang nasa trading block na rin.

Habang si Clarkson ay patuloy ang magandang nilalaro ngayong season, napunta siya sa koponan na may one-two punch sa ngalan nina Mike Conley at Donovan Mitchell.

May pagkakataon pang makatuntong sa playoffs si Clarkson dahil nasa ikalimang puwesto ang Jazz ngayon, na dikdikan ang laban sa Western Conference.

Good luck, Clarkson!
***
Kasalukuyang 2-0 na ang standing ng Clippers kontra Lakers ngayong season.

Gaya ng aking pana­naw sa una pa lamang, ang Clippers ang magpapahirap at pantapat sa Lakers.

Napakalakas na depensa ang hatid ng Clippers, samahan mo pa ng matinding opensa dahil sa dalawang superstar na two-way players (Kawhi Leonard at Paul George) at ang 6th man na scoring machine na si Lou Williams.

Tinapyas ng Clippers ang 15-point lead ng La­kers at naipanalo pa ang kanilang Christmas battle.

Buo pa rin ang tiwala ng inyong lingkod kay LeBron dahil nagiging ibang animal ito pagda­ting ng playoffs.

***
Kung kayo po ay mayroong reaksiyon o balak itanong, mag-email lamang sa alecpaolo2016@gmail.com.

Patuloy niyo rin pong suportahan ang online show ng Abante, ang Sportalakan, tuwing Martes alas-sais nang gabi sa Abante News Online.
Maraming salamat po!