Abante Tonite Interactive

Joseph William ‘Pepe’ Feliciano Smith

hari ng pinoy rock

368

Nagluksa ang buong Pinoy music industry, lalo na ang mga rakista sa pagpanaw ng ‘Hari ng Pinoy Rock’ na si Pepe Smith (Joseph William Feliciano Smith sa totoong buhay), sa edad na 71. Ipina­nganak siya noong Dec. 25, 1947.

Pumanaw si Smith noong Ene­ro 28, 2019 dahil sa heart disease. Hinatid siya sa huling hantungan kahapon sa Loyola Memorial Park, Sucat, Parañaque.

Matatandaan na naospital din siya noong 2016 at 2017. Na-stroke siya na naging sanhi ng kanyang pagkautal. Pero sa pangatlong pagkakataon ay hindi na siya naagapan.

Kalog, masayahin na rocker,­ walang masamang tinapay, matalino, matalas ang memorya kung isasalarawan si Pepe.
Sabi nga ng mga nasa music industry wala nang papalit sa trono ni Pepe bilang Hari ng Pinoy Rock. Siya rin ang pioneer ng punk sa ‘Pinas.

Makulay at masalimuot ang buhay ni Pepe.Kulang ang isang makapal na libro para maikuwento ang kanyang biography.
Lumaki siya na hindi nakita ang kanyang biological father na Amerikano (Edgar William Smith). Inalagaan siya ng kanyang Lola Concordia Go.

Naging high school dropout, (3rd year sa Quezon City High School) dahil sa pagkahilig sa musika. Nagsimula sa pagiging tambol mayor at bokalista ng mga combo, katulad ng The Blue Jazzers, na na­ging The Villains, The Surfers, Eddie Reyes and the Downbeats, ang Japanese psychedelic rock trio na Speed Glue and Shinki, at Joey Smith & the Victims.

Naging miyembro rin siya ng pinakamala­king bandang umukit sa kasaysayan ng Pinoy Rock, ang Juan Dela Cruz Band (kasama sina Mike Hanopol at Wally Gonzales), T. Tinio Band, Speedway at marami pang ibang banda hanggang sa kanyang solo career.

Naging anthem ng mga Pinoy rocker ang “Himig Natin” ng Juan Dela Cruz Band. Naisulat niya ito sa isang banyo habang naghihintay sa kanilang cue sa concert.

Maliban sa kantang ito, pinasikat din niya ang mga kantang “Beep Beep,” “Nadapa Sa Arina,” “Sarap Ng Buhay,” “Rock & Roll Sa Ulan,” “Panahon,” “Titser’s Enemy No. 1,” “Kahit Anong Mangyari” pati na rin ang “No Touch,” “Sarap Ng Buhay,” “Balong Malalim,” at “Kagatan” na inawit ni Mike Hanopol at marami pang iba, na bumakat sa kasaysayan ng Pinoy rock music.

Ika nga nila’y sa bawat tagumpay, may kakambal na kabiguan. Dumaan sa mara­ming pagsubok ang kanyang pagiging rockstar. Nabugbog, nabaril, naaksidente, nakulong, nagantso pero likas sa kanya ang pagiging survivor. Kilala siya sa pagiging kuwela at matulungin sa kapwa musikero.

Pinasok din ni Pepe ang pag-arte. Nakilala siya sa mga acclaimed Pinoy films na “Above The Cloud” ni Pepe Diokno, “Singing in Graveyards” (2016) ng Malaysian director na si Bradley Liew, “Ang pagdadalaga ni Maximo Oliveros” (2005) at “Banal” (2008).

Nagmarka si Pepe Smith sa paha­yag niyang “If I am not into rock and roll… What I am, executive or exe­cuted?”