Abante Tonite Interactive

Joy Belmonte atat, report sablay

324

Kinastigo ng Department of Agriculture (DA) ang ginawang anunsiyo ng Lokal na Pamahalaan ng Quezon City na posi­tibo sa African Swine Fever (ASF) ang 11 baboy na natagpuang patay sa lungsod.

“Ibig sabihin, mismo ‘yung veterinarian nila (Quezon City) masyadong trigger happy! Nire-refute namin ‘yun. Tinawagan ni Sec. [William] Dar si Mayor Joy Belmonte kaninang umaga (Setyembre 16) kasi hindi po ganu’n (tes­ting pigs for ASF) kabilis ‘yun. Ibig sabihin, vina-validate pa ho ‘yun,” ayon kay Noel Reyes, tagapagsalita ng DA sa pa­nayam ng CNN Philippines.

Ipinaliwanag ni Reyes na ang baboy na susuriin kung may ASF sa akre­ditadong local laboratories, ang parehong ‘blood samples’ ay ipadadala pa sa United Kingdom para sa ‘confirmatory testing’ ng World Animal Health Organization-accredited laboratory.

Aniya, hindi naman umano nila pinalalabas na mali ang ginawang anunsiyo ni Mayor Belmonte, subalit masyado pang maaga upang agad na magbigay ng paha­yag na positibo sa ASF ang mga natagpuang patay na baboy sa kanyang nasasakupan.

Matapos ang anunsiyo ni Mayor Belmonte na positibo sa ASF ang 11 patay na baboy sa lungsod, agad ding pinagbawalan ang pag-access sa Area 5 sa Brgy. Bagong Sila­ngan, kung saan matatagpuan ang mga ‘backyard piggeries’.

Dahil dito ay ipinagbawal din ng mga barangay official ang mga baboy na ilabas-masok sa lugar ng walang pahintulot ng veterinarian sa lungsod, at maging ang mga mi­yembro ng media ay hindi rin pinapapasok sa nasabing lugar.

Nabatid na nitong Linggo naang umaga ay nag-inspeksiyon si Mayor Belmonte sa Bagong Silangan kasama ang local officials subalit tumanggi itong magpa-interview.

Pinilit naman ng Abante Tonite na kunin ang panig ni QC veterinarian na si Dra. Ana Cabel subalit hindi ito sumasagot sa kaniyang cellphone.
7 lugar sa Luzon may ASF outbrealk

Kinumpirma ng Bureau of Animal Industry (BAI) ang outbreak o pagkakaroon ng ASF sa pitong lugar sa Luzon kabilang ang Brgy. Cupang, Antipolo; Brgy. San Jose, Macabud, San Isidro, San Rafel at Mascap sa Rodriguez, Rizal.
Muling ring tiniyak ni Pangulong Rodrigo Duterte na ligtas kumain ng baboy. (Dolly Cabreza/Prince Golez)