Abante Tonite Interactive

Joy nakipag-away sa Lazada sale

282

Tinarayan ni Quezon City Mayor Joy Belmonte ang netizen na nalamang emple­yado pala niya at nagkomento sa post nito sa Lazada sa social media kaugnay ng Lazada 11.11 sale.

“Matutulog na ba ako o hihintayin ko ang 12 midnight para makapag-shopping sa Lazada 11/11,” base sa post ni Belmonte sa kanyang Facebook account pasado alas-9:00 nang gabi nitong Nobyembre 11.

Dahil sa post, umani agad ito ng maraming komento at dahil sa pagkapikon ay pinatulan ng alkalde ang isang netizen na umano ay nagtatrabaho mismo sa office of the mayor sa nasabing Lungsod.

Ang pagkairita ay ipinakita ni Belmonte sa kanyang Facebook matapos nitong hindi magustuhan komento ng isang FB user na may account name na Lim San Dee.

Nagpatutsada ang FB user sa post ng alkalde na kung matutulog na ba siya o hihintayin ang sale ng Lazada ng bandang alas-12:00 nang hatinggabi para mag-shopping online.

Base sa komento ni Lim, bakit may oras pa pala sa Lazada ang isang alkalde habang si Yorme, na ang gustong tukuyin ay si Manila Mayor Isko Moreno ay abala sa paglilibot para alamin ang status ng isang lungsod.

Sa reply ni Belmonte, huwag daw itong mag-alala dahil mula ngayong araw na ito ay hindi na magtatrabaho pa si Lim San Dee sa office of the mayor ng Quezon City dahil sa profile nito ay empleyado pala ang nasabing netizen sa opisina nito.

“Lim San Dee–according to your account, you work in my office. OCM, Quezon City Hall. Hayaan mo tomorrow you will no longer be working in my office. Happy ka na?” reply ni QC Belmonte sa komento nito. (Dolly Cabreza)