Abante Tonite Interactive

JRU namayagpag sa athletics

238

Bumubuhos ang saya ng Jose Rizal University, nag-celebrate ng 100th founding anniversary kasabay ang pagsilo ng athletics championship sa 94th NCAA 2019 sa Vermosa Sports Hub sa Imus City.

Nagpasabog ang Bombers ng 664 points upang ungusan ang Mapua University na lumikom ng 644 points. Tersero ang Arellano University sa 633 points.

“This is a fitting triumph since we’re celebrating JRU’s 100th year,” saad ni university athletic director at NCAA ­Management Committee member Paul Supan.

Hinablot ni Adonis Cordero ang triple jump gold sa re­histrong 14.97 meters, silver siya sa high jump at long jump at kinalawit ang NCAA MVP trophy habang si Edcarlo ­Sabellano ay nagwagi sa 800m at 1500m mints.

Mga nagpakitang-gilas din para sa Kalentong-based school sina Jomar Abila (long jump), Ronmols Andaya (shotput), 4x400m relay team, Frederick Ramirez, Kim Socorin, Jerald Banas at Mark Reklamo.

Ayon kay JRU coach Jojo Posadas, inaalay nila ang kanilang tagumpay sa JRU founders.