Abante Tonite
Mabilis sa Balita

J&T Express abusado na, mayabang pa

0 1,189

Hindi nasindak ang mga nagrereklamong online seller sa banta ng J&T Express na kakasuhan nito ang sinomang magpo-post sa social media ng anumang makasisira sa kompanya matapos ang ilang viral video na nagpapakita ng mga kapalpakan ng kanilang mga tauhan.

Sinabi ng naturang delivery service provider sa isang pahayag na mino-monitor nila lahat ng social media platform para tingnan kung may mga malisyosong post laban sa kanilang kompanya para makasuhan ang mga ito.

Hinihikayat din nito ang publiko na responsableng gamitin ang kanilang karapatan sa malayang pamamahayag ng may matuwid na pag-iisip.

Bukas din aniya ang kanilang mga hotline 24/7 para tumugon sa mga reklamo at iba pang katanungan ng publiko.

Gayunman, sa halip na masindak sa banta ng J&T Express ay lalo pang nanggigil sa galit ang publiko, partikular sa hanay ng mga online seller at buyer.

“Sila na nga itong palpak, sila pa ang may ganang manakot ng demanda? Ayusin nila ang trabaho nila. Ang mga tauhan nila ang bantayan nila at hindi kaming nakakita ng kapalpakan nila. Ang kapal ng mukha nilang manakot ha,” ayon sa online seller na si Suzenne Barrios.

Ayon naman kay Tonetsky, napiperwisyo rin sila sa tuwing magrereklamo ang kanilang mga buyer na sira at depektibo ang nabili sa kanila sa online na kagagawan pala umano ng mga iresponsableng tauhan ng J&T Express.

“Aba hoy J&T Express, wag kami ha, wag kami ang takutin ninyo. Kakarampot lang ang kinikita namin kumpara sa milyones ninyong kita. Binabayaran namin ang serbisyo ninyo kaya umayos kayo. Saan kayo humuhugot ng kapal ng mukha para takutin kami ha? Baboy na nga kayo magtrabaho, mga manyakis pa rider ninyo,” ang gigil pa nitong dagdag.

Noong Miyerkoles, humingi ng tulong si Clarion Paz-Tanghal sa mga awtoridad makaraang ideliber ng isang rider umano ng J&T Express sa kanyang anak ang pakete na may nakasulat na “FUCK ME PLS.”(Mia Billones)

Leave A Reply

Your email address will not be published.