Abante Tonite
Mabilis sa Balita

J&T Express dinurog sa unli palpak

0 398

Patuloy ang pagbuhos ng mga reklamo sa social media laban sa delivery service provider na J&T Express matapos na isa na namang online seller ang umaray sa panlilinlang at kabagalan umano ng kompanya para tugunan ang kanilang mga sentimiyento sa palpak nitong serbisyo.

Sa isang post, sinabi ni “Diosa” na `drawing’ lang o hindi totoo ang pangako ng J&T Express na kaya nitong solusyunan ang mga pangyayaring hindi umano inaasahan sa kanilang pagseserbisyo sa publiko.

Tinukoy niya ang natanggap na depektibong item na agad inireklamo sa J&T Express at paulit-ulit umano niyang kinulit bago inaksyonan.

“Sinunod ko ang instructions nila, kinunan ko ng picture yung nasirang item as proof of damage, pinadala ko sa email nila. Tinawagan ko pa ang customer service nila para ireport agad at maaksyunan nila. Anong sinasabi nila na seven day lang eh may solusyon agad sa reklamo? Ilang linggo ang inabot ng reklamo ko bago ko na-refund ang pera ko. Kung hindi ko pa sila kinulit dahil talagang galit na ako, hindi sila aaksyon,” ayon kay Diosa.

Nauna nang ipinahayag ng J&T Express na walang dapat ikabahala ang mga seller dahil may insurance ang mga pakete sa kanilang kompanya sakaling masira ito habang nasa pag-iingat nila.

Gayunman, iginiit ni Diosa na taliwas ito sa pangako ng courier ng agarang aksyon.

“Para silang pako na hindi babaon pag hindi pinukpok. Pera mo na yung kukunin mo, para ka pang nagmamaka-awa sa kanila. Pag nagbayad ka sa serbisyo nila, ang bilis nilang kunin ang pera namin, pagdating sa indulto, mapapanis ka sa kahinintay. Gawa ba yan ng matinong serbisyo?” dagdag nito.

May isa pang kustomer ang nagreklamo na pumalya rin ang delivery nito at halos tatlong buwan bago niya nakuha ang refund.

“Siyempre nagtatrabaho ako at minsan ay nalilimutan kong mag-follow-up, porke hindi ko sila laging nakukulit, deadma na sila?” ayon pa sa seller.

Una nang nagbanta ang courier na ididemanda nila ang sinomang magpo-post sa social media ng anumang nakasisira sa pangalan ng kanilang kompanya kasunod ng mga nag-viral na video ng kanilang mga tauhan habang balagbag na nagtatrabaho sa isang bodega nito. (Mia Billones)

Leave A Reply

Your email address will not be published.