Abante Tonite Interactive

Juday at Coco, nagpugay kay FPJ

16

MATAGUMPAY ang red carpet premiere ng digitally restored and remastered movie na Isusumbong Kita sa Tatay Ko kamakailan sa SM North EDSA bilang bahagi ng month-long celebration ng CineMo sa kaarawan ni Fernando Poe Jr.

Star-studded ang gabi sa pagdalo nina Judy Ann Santos, Ryan Agoncillo, Coco Martin, Yassi Pressman, at pamilya ni FPJ na sina Susan Roces at Sen. Grace Poe.

“Na-touch ako at ang aming pamilya. Nagpapasalamat kami na ginagawa ito para sa mga pelikula ni FPJ nang makita ng mga kabataan ang mga nagawa niya,” ani Susan.

Ibinahagi ni Juday ang masayang alaala niya sa pagganap bilang anak ni Da King.

“Ito na yata ‘yung isa sa mga pinakamasayang pelikulang ginawa ko, kasi napaka-professional ng lahat, napakasaya lang namin sa set,” aniya.

“Finally makikita ng mga tao ‘yung works ni FPJ. Kasi talagang legend siya. Isa siyang tao na dapat ma-celebrate ang buhay niya kasi marami siyang nai-inspire talaga.”

Puno rin ng galak si Sen. Grace dahil may espesyal na puwang din sa kanyang puso ang naturang pelikula.

“Malapit sa aking puso ang pelikulang ito. May mga parte ng pelikula na hango raw sa aking buhay, kaya nang naisapelikula ito, at kapag napapanood ko hanggang ngayon, si­yempre parang dedikasyon na rin ng tatay ko sa akin,” sabi niya.

Taong 2011 nang simulan ng ABS-CBN Film Restoration Project ang pagre-restore ng classic films para mapanatiling buhay ang cinematic history ng mga Pilipino.

Katuwang ang Central Digital Lab, ito ang unang restoration na ginawa mismo sa bansa.

Isa ang Isusumbong Kita Sa Tatay Ko sa mahigit 120 titulo na nai-restore ng ABS-CBN na ang ilan ay naipalabas na sa international film fests, red carpet premieres sa bansa, sa free-to-air at cable television, pay-per-view at video-on-demand, DVD, at na-download maging sa iTunes.

Ang CineMo ay mapapanood sa ABS-CBN TVplus. Ang ABS-CBN ang unang media at entertainment company na nagpakilala ng digital terrestrial television noong 2015 para mas maging maganda ang TV viewing experience ng mga Pilipino.

Gamit ang digital signal transmission, nagiging malinaw ang mga palabas sa TV.

Bukod sa exclusive channels, nakakasagap din ang TVplus box ng ibang channels na gumagamit na ng digital signal. Walang monthly fee ang ABS-CBN TVplus.