Abante Tonite Interactive

Judiciary, PNP patayan bukas

169

Tug-of-war ang Judiciary at Philippine National Police sa pang-apat at huling second round berth sa rambol ng mga dating kampeon sa 8th UNTV Cup 2019 bukas, Linggo sa Pasig City Sports Center.

Magsasalpukan ang dalawang beses na kampeong Judiciary Magis at nakatatlong ulit na haring PNP Responders sa alas-4:30 nang hapon sa pag-uunahan sa ikalawang panalo sa six-team Group B eliminations para sa aabante sa second round.

Sa pagkapilay ng key players sa kaagahan ng torneo ng magkabilang kampo, ang mga dating kinatatakutang team sa kasalukuya’y may parehas pa lang may tig-isang panalo sa tig-apat na mga laro sa paliga ni UNTV president at CEO Dr. Daniel Razon.

Ang winner ang sasama sa mga unbeaten Department of Environment and Natural Resources (5-0), Malacañang Palace-Philippine Sports Commission (4-1), at National Housing Authority (3-2).

Kasing halaga ng sultada ang paghahamok din ng Philippine International Trading Corp. (2-2) at Ombudsman (1-3) sa Group A sa alas-3:00 nang hapon para mahulma ang triple-tie sa 2-3 kasama ang PhilHealth Plus.

Kung Global Traders ang manalo, sasamahan na nila ang PhilHealth sa susunod na yugto ng kompetis­yon kasama ang defending champion at undefeated Armed Forces of the Philippines (5-0) at Department of Agriculture (4-1).

Ang positibo lang sa Responders ay galing sa 94-63 demolisyon sa Government Service Insurance System Furies sa likod ng bangis nina Richard Villanueva at former University of the East player Olan Omiping na mga nagsabwatan sa 31 points.

Ilan sa aangas naman para sa Magis sina dating Ginebra player Chester Tolomia at kapwa Philippine Basketball Association veteran Warren Ybanez, at Jose Midas Marquez.