Abante Tonite Interactive

Jueteng lords piyesta na naman!

383

Aasahang balik na naman ang maliligayang araw ng mga jueteng lord sa bansa dahil sa muling pagbabalik-ope-rasyon ng small town lottery o STL.

Nakadepende na kasi sa resulta ng STL ang mga lalabas na numero sa jueteng at wala na ang tradisyonal na bolahan dahil mas menos gastos sa mga tauhan kaya tiyak glorya na naman ang mga matitinik na kapitalista sa sugal.

Matatandaang halos isang buwan ding natigil ang operasyon ng STL matapos itong suspendihin ni Pangulong Rodrigo Duterte noong July 26, 2019 kaya nganga at walang kita ang mga jueteng lord pati na ang mga kabo at mananaya sa jueteng.

Pero noong Huwebes nang gabi ay inalis na ng Pangulo ang suspension kaya’t sa mga susunod na araw ay inaasahang balik-operasyon na ang STL.

Dahil dito, hindi inaalis ni Philipine National Police Director General Oscar Albayadle ang posibilidad na sabayan ito ng jueteng operations.
Pero tinitiyak ni Ge-neral Albayalde na nananatili ang direktiba nito sa lahat ng pulis sa buong bansa na tugisin at ipatigil ang lahat ng uri ng illegal na sugal sa bansa.

Sana magtagumpay ang PNP dahil ang sugal na jueteng ay matagal ng namamayagpag sa bansa at ilang administrasyon na ang nakalipas pero hindi pa rin matigil ang jueteng sa bansa.

***
Nananawagan ang mga pensioner sa Armed Forces of the Philippines (AFP) na ipalabas na ang kanilang hinihintay na differential mula sa kanilang pension increase noon pang nakalipas na taon.

Naianunsiyo na ng Department of Budget and Management (DBM) na naibigay na nila sa AFP ang pondo para sa naantalang 18 buwan sa increase sa pensiyon ng mga nag-retirong sundalo at biyuda ng mga nasawing sundalo subalit wala man lang paliwanag kung bakit hindi pa ito naibibigay.

Karamihan sa mga umaasa sa kanilang pensiyon ay mga may sakit ng retiradong sundalo kaya malaking bagay kung aksiyonan na ito ng AFP-Finance alang-alang sa mga matatanda at may sakit na mga pensioner.

Kung tutuusin ay wala namang problema dahil naibigay na ng DBM ang pondo kaya sana ay mabasa ito ng mga opisyal ng AFP para naman mabigyan ng konting pag-asa ang mga dating sundalong nagtanggol sa bansa.

Huwag namang ga-wing mukhang kaawa-awa ang mga retiradong sundalo sa paghihintay at huwag ng hintayin pang maiparating ito sa tanggapan ni Pangulong Rodrigo Duterte dahil tiyak na may masasabon.

Malapit sa puso ng Presidente ang mga sundalo at hindi niya hahayaang maapi o magmukhang kaawa-awa ang mga ito.