Abante Tonite Interactive

Jueteng mas OK kaysa droga – Duterte

224

Wala sa prayoridad ngayon ni Pangulong Rodrigo Duterte na harapin ang pagsugpo sa sugal na jueteng.

Sa kanyang talum-pati sa panunumpa ng mga lokal na opisyal sa Malacañang noong Martes nang gabi, sinabi ng Pangulo na kapag nilinis ang operasyon ng jueteng sa bansa ay tiyak na aariba ang iligal na droga na ayaw niyang mangyari.

Ayon sa Pangulo, mas pipiliin niya ang jueteng kaysa maging talamak ang operasyon ng iligal na droga sa bansa.

Aminado si Pangulong Duterte na hangga’t walang sapat na pagkain sa bawat mesa ng mga mahihirap na Pilipino ay marami pa rin ang susugal sa pamamagitan ng pagtaya sa jueteng.

“Maski sinong Presidente ilagay mo dito, for as long as the economy does not really provide food on the table for so many families, hayaan mo na lang ‘yan. At least ang pera doon… Kasi hindi ko talaga rin kaya. At pagka sinira ko ‘yan, ang papalit sa apparatus niyan, droga. So choose between the lesser evil,” anang Pangulo.

Sinabi pa ng Pangulo na ang jueteng ang may organisadong networ-king, hindi katulad ng Kapa Community Ministry International na sabit sa operasyon.

“Ang totoo niyan if I dismantle the network, ‘yung networking nila. ‘Yan ang pinakamagandang networking na successful talaga. Walang sabit. Hindi ka pa — mag-Kapa-Kapa ka pa diyan eh. Kasi nandiyan ‘yan,” dagdag pa ng Pangulo. (Aileen Taliping)