Abante Tonite Interactive

Junk food, nakaka-memory loss?

369

Maraming eskuwelahan na ang nagbabawal ng pagbebenta ng junk food. Ang problema, nagkalat naman ito paglabas ng mga bata sa paaralan.

Ikinababahala ng mga doktor ang sobrang pagkain nito dahil masama ito sa ating kalusugan.

Mababa sa nutritional value ang junk food. Mataas naman ito sa calories, fat, sugar, salt, o caffeine. Kabilang dito ang chichirya, burgers, fries, pizza, ice cream, at soda.

Inuugnay ang pagkain ng junk food sa pagtaas ng kaso ng obesity, heart disease, high blood pressure, cancer, tooth decay, at iba pang sakit.

Base sa mga pag-aaral sa Amerika, humihina ang memorya ng mga taong madalas kumain ng junk food. Nahihirapan din silang umintindi ng mga aralin dahil nakapagpapabagal ito ng pag-iisip at sinisira nito ang mood ng isang tao.

Dahil dito, tumataas ang tsansang magka-dementia ang taong mahilig sa junk food. Isa itong mental illness kung saan nawawala ang memorya ng tao.

Kung madalas kang kumain ng junk food, mabilis ka ring mawalan ng ganang kumain. Nakabubusog kasi ito.

Ayon din sa pagsasaliksik, posibleng maging sanhi ito ng depression. May mala­king epekto sa chemical changes ng ating katawan ang sobrang pagkain ng junk food.

Nakaka-addict ang junk food. Tiyak na hahanap-hanapin mo ito. Kaya hindi malayong masira ang iyong appetite sa pagkain nang mas masusustansiyang pagkain.

Ang sa akin lang, hindi naman masamang tumikim ng junk food basta hinay-hinay lang. Huwag gawing kanin ang chichirya. Tandaang may masamang epekto ito sa katawan. Kaya prutas­ at gulay pa rin ang ­ugaliing kainin.