Abante Tonite Interactive

Ka-LQ ang bf: Lady Chinese boss tumalon sa condo

995

Nalasog ang katawan ng isang babaeng Chinese national matapos itong tumalon sa bintana ng kanyang inuupahang unit sa ika-9 palapag ng Condiminium Tower makaraang makipag-away umano sa kanyang nobyo kahapon ng madaling-araw sa Malate, Maynila.

Ang biktima ay itinago sa pangalang Steph, 32, bar manager.

Sa imbestigasyon ng Manila Police District-Police Station 9, nangyari ang insidente alas-4:20 ng madaling araw kung saan tumalon ang biktima mula sa bintana ng kanyang inuupa­hang unit at bumagsak sa ground floor ng gusali, na nagresulta ng agaran nitong kamatayan.

Ayon kay Almario Adonis, security guard ng condominium, bago ang insidente at natagpuan ang bangkay ng biktima ay nakita pa niya ito at ang may-ari ng inuupa­hang unit ng biktima na si Allen na tila nag-aaway.

Inamin naman ni Allen na sa kanyang unit tumalon ang nangungupahan umanong biktima.

Bago ang pagtalon, inamin din ni Allen na lumabas sila ng gusali at kinatagpo ang nobyo ni Steph. Nag-away umano ang magdyowa hanggang sa magpasya silang umuwi sa kanyang unit kung saan doon umano tumalon ang biktima.

Kaugnay nito, ina­alam ng pulisya kung may foul play dahil sa ocular investigation, nakitang kalahati lamang ang bukas ng bintana kung saan sinasabing tumalon ang biktima.

Inaalam rin kung may pagbubuno na naganap sa unit dahil magulo umano sa loob ng silid at may mga bote ng beer sa labas ng pinto.

May napuna rin umanong dugo sa elevator door mula ika-9 palapag habang nakarekober sa sahig ng ilang piraso ng buhol-buhol na buhok, na may 10 pulgada at posible umanong mula sa biktima. (Juliet de Loza-Cudia)